Saturday, September 10, 2011

levi's

Hinimas niya ang tela nito, hinagod sa pagitan ng kanyang mga daliri. Tiningnan niya ang presyo nito sa tag – P2500. Ang mahal pa rin. Napabuntung-hininga siya. Kung magpapatahi siya ng ganito sa probinsiya ay limang pares na ang katumbas nito. Sumakit ang kalooban niya. Naalala niya noong siya'y nasa high school pa. Sa kagustuhan niyang makapagsuot ng Levi's ay namili siya ng peke sa bangketa. Labis na kahihiyan ang inabot niya nang pagtawanan siya ng kanyang mga kamag-aral nang malaman ito. Gusto niyang umiyak, gusto niyang lumubog sa kinatatayuan.

Lumabas siya ng tindahan ng pantalon at tumambay sa harapan. Kailangang makapagsuot siya ng Levi's. Ngayon na. Nag-isip siya ng paraan kung paano matutugunan ang uhaw niya sa Levi's. Nilingon niya ang loob ng tindahang pinanggalingan. Tumingin siya sa kalsada. May babaeng dumarating. Nakita niya ang suot na pantalon nito. Levi's! Humarang siya sa daraanan ng babae.

No comments:

Post a Comment