Saturday, September 10, 2011

the ring

Tumakbo siya nang di alam ang patutunguhan. Mabilis. Tinatakasan ba niya ang problema? May tinatakbuhan nga ba talaga siya? Diretso lang ang kanyang tingin. Sa kawalan. Blangko ang kanyang isip. At puso. At kaluluwa. Sa labis niyang bilis ay nadapa siya. BLAG! Una ang mukha. Padapa siyang lumagapak sa lupa. Itinukod niya ang mga siko at iniangat ang mukha para bumangon. Sa harap niya ay tumabad ang isang singsing na bahagyang nakabaon sa lupa. Dinampot niya ang singsing. Singsing ni Selya! Ang pinakamamahal niyang si Selya! Tinitigan niyang mabuti ang singsing. May unti-unting umagos sa kanyang mukha, bumabaybay sa kanyang pisngi. Dugo! Sugatan pala ang kanyang noo. Dumudugo rin ang kanyang ilong. Natawa siya, ngunit sa pagbuka ng kanyang bibig upang pakawalan ang hungkag na tawang iyon ay nalaglag ang kanyang nag-iisang ngipin sa harap.

No comments:

Post a Comment