Saturday, September 10, 2011

mahigpit ang kapit sa sandali

Sa gitna ng kawalan ay nagkatagpu-tagpo,
Sa gitna ng kaguluhan ng mundo ay nagkita-kita.
Mga halakhak ay pumapailanlang,
Unti-unting kinakaladkad ng hangin sa ilang
Kung saan ang buhay ay walang kasiguruhan,
Kung saan ang panganib ay kakambal ng kasiyahan.
Bote ng alak ang laruan, usok ng sigarilyo ang siyang pabango
Sumasayaw sa gitna ng ulan kasabay ng pagluha,
nababaliw sa hinaharap;
At sa gitna ng sikat ng araw ay umaawit ang kaluluwa
Bawat patak ng pawis sa dibdib ay pagbagsak ng nota
ng walang katapusang kanta
Walang paglagyan ng sigla pagkat ang damo'y luntian pa.

Kay sarap makipaghabulan sa paruparo sa kaparangan,
Damhin ang maseselang pakpak sa gitna ng mga palad,
Upang muling pakawalan kapag nagsawa na.

Sinalamig ng tubig sa batis ang kanilang pananaw,
Pamatid-uhaw sa malayong paglalakbay sa mabatong
kalsada sa panahon ng tag-init;
Bulong nila'y init ng apoy na naglalagablab sa malamig na gabi.

Pira-pirasong papel ay nagkalat sa luntiang damo kung saan sila'y nakahiga.

Limang oras ang maghapon, sampu ang magdamag
Makulay man ang araw, lahat ay nilalamon ng itim sa pagsapit ng gabi.
Katawan ay gapos subalit ang kaluluwa'y malaya
Hindi man makahabol ng paruparo'y pilit pa ring nagtatatakbo sa kaparangan.
Ilang tag-ulan ang nagdaan ay patuloy pa ring sumasayaw sa gitna ng pagluha;
Nababaliw sa nakaraan.

Damang-dama ang mahahapding sikat ng araw sa balat,
Hapding dulot ay sarap sa pagal na katawan
Tuwina'y nakatingala sa malamlam na papawiring kahapo'y nais marating;
Naliligo sa liwanag ng bilog na buwan na siyang tanging tanglaw sa
aandap-andap na balintataw.

Walang paglagyan ng ala-ala sa maghapong nagdaan kahit ang damo'y lanta na.

Kaybilis ng bulusok ng bulalakaw, simbilis ng pagdaloy ng luha.
Ang kanilang awit ay patuloy pa rin sa pag-alingawngaw sa kaparangan,
Ayaw bitiwan ng hangin sa labis na panghihinayang;
Umiiyak ang langit sapagkat walang sumasayaw;
Nagagalit ang araw pagkat ang pangarap ay naging ganap.
Magkakaibang daan man ang tinahak, sa dulo'y nagkatagpu-tagpo upang
sabay-sabay mamahinga.
Pira-pirasong papel ay nagkalat sa tuyong damo
kung saan sila'y nakahimlay
Sa pag-asang sa kabilang buhay, doo'y muling may babalikan.

No comments:

Post a Comment