Saturday, September 10, 2011

pop road

grimm's the golden bird

the sun rises in kenya

bucket monster

my take on the master's

reaching for the light

phoenix

wild flower

the water bearer

payong

Naglalakad ako sa EDSA
nang biglang pumatak
ang ulan
ulan
ulan
ulan
naging
baha
baha baha
baha baha baha
Naalala ko bigla,
may payong nga pala ako!
Sa loob ng backpack!
Kaya't
binuksan ko ang aking payong,
sumakay ako sa payong ko,
ginawa kong bangka,
ngunit...
dahil sa ang payong ko ngayon ay bangka,
at patuloy pa rin sa pagpatak ang
ulan
ulan
ulan
at wala na akong iba pang payong,
para gawing payong,
napupuno ng tubig-ulan ang aking bangkang payong
kaya't ako'y unti-unting
lumulubog
lumulubo
lumulub
lumulu
lumul
lumu
lum
lu
l
.





18 oct '05
Tuesday
5.40 pm

listahan

Salamat sa
Swiss Miss milkshake,
hopia,
tsokolate,
pelikula,
poetry,
trance at house,
pancit,
Chuck Palahniuk -
mga bubog
ng basag kong kaligayahang
araw-araw pinupulot.

sex at patis

GRAC...Aray!

Tagaktak ang pawis ng mokong at hindi magkandatuto sa pag-ihip sa balikat. Tumagas ang mapulang dugo mula sa letrang C, gumuguhit at tinatahak ang kanyang braso, patungo sa kanyang siko. Dali-dali niyang binuksan ang drawer ng tokador na nasa kanyang harapan at pinagana ang kaliwang kamay sa pagbubulatlat ng mga laman nito habang dakut-dakot ng kanan ang kaliwang balikat na medyo namamanhid na sa sakit.

Notebook...buklat. Gunting...buklat pa. Panyo...halukay. Brief...halukay uli. Aba, daig pa niya ang kuripot nilang kapitbahay sa paghalukay kapag nasa bargain sale ito. Shades.. nandito lang pala’ng lintik na shades na ito na matagal na niyang hinahanap. Tatlong cassette tapes...anak ng... Nasaan na ba ang punyetang bulak na iyon?

Hinablot niya ang drawer at ibinuhos ang laman noon sa sahig. Sumuka ang drawer – may mga nilamukos na papel, balat ng Piattos na nilalanggam na, mga abubot na mukhang basura na, at isang holen na may kalakihan na gumulong papunta sa ilalim ng kama. Natutuyo na ang mga bakas ng dugo sa kanyang braso’t siko pero pinagkaabalahan pa rin niyang habulin ang holen na talaga namang may sentimental value sa kanya. Bigay pa yata ito sa kanya noong maliit pa siya ng kanyang lolo na lagi niyang kalaro noon. Sumalangit nawa.

Dakot pa rin ng kanyang kanang kamay ang kaliwang balikat. Bahagyang naampat na ang pagdurugo nito. Tumuwad siya para silipin ang gumulong na holen sa ilalim ng kanyang kama. Putangina ka! Nandyan ka lang palang bulak ka! Hindi niya alam kung matutuwa siya o mayayamot sa pagkakita sa bulak. Hinablot niya ang pakete ng bulak at kinuyom na maigi na paraan ng kanyang paghihiganti rito dahil sa pagtatago nito sa kanya. Nagtungo siya sa harap ng salamin ng tokador at hinarap ang namamaga na nitong balikat. Nakalimutan na niya ang holen. Dinampot niya ang alkohol at…syet! Nadumog niya ang bote ng India Ink na katabi lamang ng bote ng alkohol. Bumuhos ang laman nitong itim na tinta, dumaloy sa tokador at pinaliguan ang mga laman ng kanyang drawer na nakakalat sa sahig. Ahhh…Bahala ka na! Hindi na niya pinansin pa iyon. Mas mahalaga ang balikat niya sa oras na iyon.

Binasa ni Manny ng alkohol ang bulak at hinagod ang siko, ang braso, paakyat sa balikat, tinutunton ang mga bakas ng natuyong dumaloy na dugo. Kumuha pa siya ng bulak at muling binasa iyon ng alkohol. Puro dugo ang balikat niya. Halos hindi makita ang mga letra. Dinampian niya ang balikat at lumabas ang letrang G. Dampi uli. Letrang R. Isa pa. A. Dampi pa. Aray! Sariwa pa pala ang letrang C. Hinayaan na lang niya ito. Pinagmasdan niya ang mga letrang nasa kanyang balikat. GRAC. Kulang pa ng E. Di bale, kapag magaling na ang C ay isusunod na niya ang E. Kahit masakit, okey lang, basta para sa iyo Grace.

Pumihit siya patagilid sa harap ng salamin at binaluktot ang kaliwang braso para mas maaninag niya ang pangalang naka-tattoo sa kanyang balikat. Mahigit isang linggo na niya itong tina-tattoo gamit lamang ang karayom ng kanyang nanay at India Ink na gamit niya sa Drawing class. Dalawang araw kada letra. Installment, parang sa bumbay. Medyo masakit pero kaya niyang tiisin. Inililis niya nang husto ang manggas ng kanyang kamiseta upang mas makita niya nang maayos ang kanyang tattoo sa salamin. GRAC. Parang nakikita niya ang reaksiyon ni Grace. Medyo nahihiya pero tuwang-tuwa. Parang nararamdaman niya ang malalambot nitong daliri na hinihimas ang mga letra ng kanyang pangalan sa kanyang balikat. Naroong pisilin pa nang bahagya ang kanyang mga masel sa balikat. Si Manny naman, aaray kunwari at sasabihing medyo sariwa pa ang tattoo. Siyempre pa, magso-sorry si Grace at muling hihimasin ang kanyang balikat, hihipan ang tattoo, dadampi-dampian ng kanyang maiinit na mga labi ang mga letra upang maibsan ang sakit. Nakadama ng kiliti si Manny sa bandang ibaba.

Naghubad ng kamiseta si Manny at pinagmasdan sa salamin ang nagingintab sa pawis niyang hubad na katawan. Pinabukol niya at pinatigas ang mga bubot na masel na animo’y isang body builder at pinagmasdang maigi ang bulas sa salamin. Kahit paano’y may epekto rin ang pa-push-up push-up niya tuwing umaga, bagamat patago niya itong ginagawa sa loob ng kuwarto dahil nahihiya siyang makita ng mga kasambahay. Hindi niya alam kung bakit siya nahihiya gayong wala namang masama rito. Siguro, nahihiya siyang malaman ng kanyang kasambahay na conscious na siya sa kanyang pangangatawan at hitsura. Pero bakit nga siya nahihiya? Ah, ewan. Talaga yatang sa ganoong edad ay mas maraming katanungan kaysa sagot.

Bahagya siyang nagulat nang makitang tinutubuan na siya ng manipis na balahibo sa dibdib. Ganito rin ang naramdaman niya nang unang tubuan siya ng bigote’t balbas. Gulat na excited na may kahalong kaba. Hinaplos niya ito at nangiti. Pakiramdam niya, lalaking-lalaki siya – macho at napaka-sexy. Humanda ka Grace. Hindi nag-iisa ang mga balahibong iyon. Unti-unting bumaba ang kanyang mapaglarong mga daliri mula sa mga balahibo sa dibdib patungo sa mga balahibo sa pusod. Gandang-ganda siya rito. Ang sexy ring tingnan. Nagmumula ito sa ilalim ng pusod pababa sa … Hinubad niya ang shorts at brief upang masdan sa salamin kung saan natatapos ang mga balahibong iyon. Hindi na nga siya bata. Makapal na ang mga talahib na kumukubli nang bahagya sa mamang magagalitin. Kung pagmamasdan ang kanyang mukha ay mapagkakamalan mong bata pa siya pero kung ibang ulo ang pagbabasehan ay may ibubuga na rin siya. Nag-init ang kanyang mga tenga at bumilis ang tibok sa kanyang dibdib. Naramdaman niyang nagtayuan ang kanyang mga balahibo at kung ano pang dapat tumayo. Nagalit na naman ang mama.

Kinuha niya ang ruler sa ibabaw ng kama. Muli siyang humarap sa salamin upang pagmasdan ang hubo niyang pagkatao. Minsa’y narinig niya ang mga kamag-aral niyang lalaki na nag-uusap. Ang kay Jun daw ay 7.5 inches samantalang 5 inches lang daw ang kay Rico. Buong pagmamalaki naman si Mark dahil 8 daw ang sa kanya at 2.5 ang diameter. Gusto niyang mainggit pero alam niyang hindi totoo iyon. Lalaki rin siya. Alam niyang kapag ipinagmalaki ng lalaking 8 inches ang dala niya, bawasan mo ito ng one inch o higit pa at iyon ang talagang sukat. Susukatin rin niya ang dala niya para malaman niya kung maipagmamalaki niya ito o kung kailangan pa niyang magsinungaling. Hinanap ni Manny ang markang 0 at itinapat sa … Manny!

Si Nanay! Dali-dali niyang itinaas ang shorts at brief. Baka makita siya ng nanay niya. Bumilis ang tibok ng kanyang puso at nagsulputan ang butil-butil niyang pawis sa katawan. May naramdaman siyang umurong sa bandang ibaba. Manny! Isa pang sigaw mula sa nanay niya sa silong ng kanilang bahay. Bumaba na raw siya at tulungan sa assignment ang kapatid niya. Ano raw ba ang ginagawa nito sa kuwarto. Napalunok si Manny. May tono ng pagkayamot at pasigaw rin ang naging kasagutan nito. Gumagawa ng assignment, ano pa? Ano pa ba’ng gagawin niya doon?

Kinabukasan.

Noong una’y lakad lang, naging mabilisang paghakbang, hanggang sa mauwi sa pagtakbo. Kulang na lang ay lumipad siya. Bakit kasi walang traysikel. Tiyak na pagti-tripan na naman siya ng kanyang propesor dahil late na naman siya. Hindi niya kasalanan. Maaga siyang nagising, lamang ay nagtagal siya sa paliligo. Inabot yata siya ng kuwarenta’y singko minutos. Kasalanan ng sabon, madulas kasi, masarap ipahid sa katawan.

Aakyat na sana siya sa ikalawang palapag ng pangunahing gusali ng kanilang kampus kung saan ginaganap ang una niyang klase nang mamataan niya mula sa bintana ng kantina si Grace na umiinom ng softdrink. Tumigil siya sa pag-akyat sa hagdan at naupo sa ikatlong baitang nito, paharap sa kantina. Kakawayan sana niya si Grace, ngingitian man lamang, kaya lang ay hindi siya nito napapansin. Napabuntong-hininga si Manny sabay kapit sa balustrade ng hagdan habang pinapanood si Grace kung paano ito uminom ng softdrink. Kitang-kita niya mula sa kinauupuan kung paano laruin ni Grace ang straw. Nilalaro ng kanyang hintuturo ang dulo ng straw, hinihimas ang matalim na butas nito. Matapos hagurin ang straw ay nilabas-masok niya ito sa botelya. Pauli-ulit niyang ginagawa ito hanggang sa bumula ang laman nitong likido, saka isusubo ng mala-talulot niyang mga labi ang straw at marahang hihigupin ang laman.

Napalunok si Manny at parang natuyuan siya ng lalamunan. Tumayo siya mula sa pagkakaupo para lapitan si Grace pero muntik na siyang mahulog sa hagdan nang biglang mag-iba ang tagpo ng kanyang panoorin. May isang kumag na di niya alam kung sang planeta galing ang naupo sa tapat ni Grace, sinaluhan siya ng mesa. Hindi lang mesa ang pinagsaluhan nila kundi pati softdrink. Isinuksok ng lalaki ang dala nitong straw sa softdrink ni Grace at sabay nilang hinigop ang laman ng botelya. Halos magdikit ang kanilang mga labi at magkiskisan ang kanilang mga ilong sa ginagawang pagsasalo. Nagkakatawanan pa ang dalawa at tiyak na nagkakapalitan na ito ng laway. Anak ng… ang sweet naman nila.

Hindi na pumasok pa si Manny sa una niyang klase na inaabot din ng halos dalawang oras. Nawalan na siya ng gana at tinamad na ring pasukan pa ang mga sumusunod. Napakasakit para sa kanya ng kanyang nasaksihan. Pakiramdam niya’y sinampal siya sa magkabilang pisngi na may kasama pang batok. Nainsulto ang kanyang pagkalalaki at para bang niyurakan nang husto ang kanyang ego. Akala ko ba’y mag-MU na silang dalawa? Di ba’t lagi pa nga siyang nginingitian ni Grace kapag nagkakasalubong sila sa corridor? Akala ko ba’y … hay naku, puro akala. Bakit kasi ang lalaki, mangitian lang ng crush, ang iniisip agad ay pumapayag na itong maikama. Makawayan lang ng chick, akala ay nakikipag-flirt na ito. Pinaraos niya ang sama ng loob sa pamamagitan ng pagyoyosi sa ilalim ng punong mangga sa likuran ng pangunahing gusali ng kanilang kampus.

Mga limang minuto ang nakalipas.

Dumarating ang tatlong mokong – sina Rico, Mark, at Jun. Siguro, tapos na ang first subject nila. Sinulyapan ni Manny and suot na relos upang mapagtibay ang kanyang hinuha. Oo nga, mag-aalas diyes na. Papalapit sa kanya ang tatlo niyang kamag-aral na tulad ng dati ay nakangisi habang nag-uusap ng kalibugan. Talking dicks nga ang tawag niya sa tatlong ito dahil sa sobrang hilig. Para bang ari lang ang organ nila at wala nang iba. Tinapik siya ni Mark sa binti na paraan nito ng pagbati. Tango naman ang isinagot ni Manny. Patuloy sa kuwentuhan ang tatlo, paminsan-minsa’y tumitingin kay Manny na ang ibig sabihin ay kasali siya sa usapan. Pinagkukuwentuhan ng tatlo ang kanilang naging karanasan sa babae.

Si Mark at Jun, 3rd year high school pa lang daw ay nakatikim na ng buhay na laman samantalang si Rico naman daw ay nitong first year college na. Si Rico daw, nakakana ng virgin. Masakit din daw pala kahit sa lalaki; di lang daw pala babae ang nasasaktan. Si Mark, ang kapitbahay daw nilang pokpok. Halos magdeliryo daw siya sa sarap dahil sa galing ni pokpok. Aba, paanong di gagaling e hobby ba naman ang pakikipagtalik. Si Jun naman daw, ang dati niyang girlfriend. Magaling daw kumanta at nagma-muscle control pa. Napakunot-noo si Manny at napatahimik lamang subalit naglalaro ang kanyang imahinasyon dahil sa mga narinig. Hindi niya alam kung totoo ang pinagsasasabi ng tatlo o kung puro eksaherasyon lamang. Hindi siya makasabat sa usapan, puro tango lamang dahil wala pa siyang karanasan. Sa madaling salita, virgin, bokya.

Pero nanliit siya at hindi matanggap na tila napag-iiwanan na siya. Siya pa na isang lean mean sex machine! Disinuebe na, wala pa ring karanasan? Nabaling ang usapan kay Manny. Siya daw ba, anong edad na de-virginize, tanong ni Jun. Napapitlag si Manny, nangangapa ng isasagot. Tumuwid siya sa pagkakaupo, taas-noo at sabay sagot na first year high school pa. Parang nanginginig ang pagkasabi niya noon at bahagyang papapiyok pa. Natigilan ang tatlo at tinitigan siya na para bang hindi makapaniwala o hindi matanggap kaya na naunahan pa sila ni Manny. Pinagpawisan nang malapot si Manny nang mapagtanto niyang sa kanya lahat nakatuon ang mga mata ng tatlo. Naku, mukhang namali siya ng sagot a. First year high school, ibig sabihin ay 13 years old. Napakabata pa nga at talagang hindi kapani-paniwala. Ni hindi pa nga siya tuli noon at wala pa siyang balahibo. Di bale, pangatawanan na. Dangal at pagkalalaki na ang nakataya dito, sa isip-isip ni Manny.

Si Rico naman ang nagtanong. Kung totoo raw ang sinasabi niya, ano daw ba ang napansin niya sa amoy ng hiyas ng babae. Parang gustong maiyak ni Manny. Eh kung makakita nga nang personal ay hindi pa niya nararanasan, makaamoy pa kaya. Sa mga magasin at x-rated na pelikula buti pa, pero makakita nang harapan at buhay na buhay … Napapangiti ang tatlo. Pakiramdam niya ay isa siyang kriminal na ini-interrogate ng mga imbestigador na kapag namali siya nang sagot ay umaatikabong basagan ng bungo ang mangyayari. Amoy, amoy, ano ba ang amoy ng lintik na iyon? Amoy bibingka?

Hagalpakan ng tawa ang tatlo. Halos mapaluha pa at kapusin ng hininga si Mark sa katatawa. Ang dalawa naman, hawak pa ang tiyan. Eeeenggg … patay, buko!

Walang nagawa si Manny kundi umamin sa krimen niya na pagiging birhen pa. Nasukol siya ng tatlo. Guilty as charged. Gustong gumanti ni Manny kaya’t ibinalik niya sa kanila ang tanong. Sige nga, ano ba talaga ang amoy ng pagong ni Haring Solomon? Buong-buo ang tinig ng tatlo at sabay-sabay pa sa pagsagot. Amoy patis, ano pa?

Patis? Si Manny naman ang halos mapaluha sa katatawa. Ayaw maniwala ni Manny sa narinig. Parang nainsulto ang tatlo. Para daw mapatunayan ni Manny na totoo ang sinasabi nila, bakit daw hindi siya umamoy. Natigil sa paghalakhak si Manny. Panahon na raw para mabinyagan siya. Hindi na raw siya bata at kumukunat na raw ang balat niya. Pero paano? Sino? Sila na raw ang bahala roon. Sabi ni Mark, sagot na raw nila tutal naman ay pinakopya niya ang mga ito sa prelim exams nila. Mamaya, pagkatapos ng klase nila, maka-alas siyete ng gabi sa may motel sa kanto, doon maghihintay ang una niyang karanasan. Payag daw ba siya? Tatanggi ba naman si Manny sa grasya?

Simula ng oras na iyon ay hindi na mapakali si Manny. Hindi na niya naintindihan pa ang mga itinuturo ng kanilang propesor. Ni hindi na nga niya napapansin ang propesor nila. Iniisip niya ang mangyayari mamayang gabi. Hindi siya hinihiwalayan ng kaba at sabik at lagi siyang tulala. Ang tatlong kumag naman, panay ang tukso sa kanya. Panay nakangisi at sinesenyas ang numerong pito sa daliri o kaya’y ibibilog ang daliri at aamuyin at pagkatapos ay didilaan habang sila’y nagkaklase.

Patis, patis, patis. Amoy patis nga kaya? Parang mababaliw si Manny kaiisip. Naiinip na siya at sana ay alas siyete na ng gabi. Parang gusto na niyang batakin ang araw papalubog upang maggabi na. Ang oras naman ay tila nanunuya, para bang lalong nagpapakabagal at ayaw nang tumakbo sa tingin ni Manny. Iniisip niya ang gagawin niya mamaya upang mapaligaya ang babaeng bubunuin niya. Pilit niyang inaalala ang mga posisyong napanood niya sa mga x-rated tapes at nakita sa mga pornographic magazines, kinakabisa. Tama, ganoon ang gagawin niyang mga posisyon.

Sumasayaw ng mapanuksong sayaw ang babae sa harapan niya sa saliw ng tugtuging Macarena, isa-isang nagtatanggal ng suot habang si Manny naman ay nakaupo sa gilid ng kama at siyang-siya sa tanawin. Maganda ang babae, hawig kay Beth Tamayo at halos ka-edad lamang niya. Maganda ang hubog nito at makinis ang balat, maputi. Unang tinanggal ng babae ng blusa. Patuloy pa rin ito sa pagsayaw. Wala itong suot na bra kaya’t bumulaga ang maindayog nitong kambal na bundok na may mamula-mulang tuktok. Lumabas na ang bundok, tiyak na susunod na ang kaparangan. Hinubad na rin ng babae ang suot nitong shorts na halos hanggang singit na sa sobrang igsi. Tumambad ang puti nitong panty na gawa sa sutla na kasing linaw ng tubig-dagat sa tag-araw kaya’t halos wala na itong nagawa para takpan ang kaakit-akit at nakakapaglaway na sorpresa para sa kanya. Dahan-dahan itong lumapit kay Manny, inabot ang dalawang kamay nito at inilagay sa puwit niya habang patuloy ito sa paggiling. Unti-unting inilalapit ng babae kay Manny ang dala nitong panukso habang kumekembot, idinadaiti sa mukha niya.

Hinubad ng babae ang natitirang saplot kaya’t tutok na tutok kay Manny ang langit. Inilabas ni Manny ang dila at inihanda ang ilong. Amoy patis nga kaya? Dahan-dahan niyang inilapit ang mukha sa pisngi ng langit hanggang sa dumaiti ang dila sa … tapik. Isa pang tapik sa balikat.Si Mark! Nagulat si Manny. Tapos na pala ang klase nila at mag-a-als siyete na. Ngayon na pala. Oras na.

Naiwan si Manny sa harap ng medyo nabubulok nang motel habang pumanhik ang tatlo para siguruhing dumating na ang kinontak nila para sa kanya. Mabuti na lang at tago ang motel kaya’t walang makakakita sa kanya. Mga tatlong minuto lang siguro ang lumipas nang dumating na ang tatlo. Handa na raw ang lahat, bayad na. Wala na raw siyang gagawin kundi bumayo na lang. Binigyan siya ni Mark ng proteksiyon at binilinan na huwag niyang kalilimutang alamin ang amoy. Room number 3 at good luck, sabay layas ng tatlo na nag-iwan ng umaalingawngaw na halakhak.

Hindi nahirapan si Manny sa paghanap sa sadyang kuwarto sa liit ng motel. Hinawakan niya ang seradura ng pinto at handa na niya itong pihitin nang bigla siyang datnan ng kaba. Paano kung pangit ang babae? Paano kung gurang na? Paano kung hindi siya tigasan? Paano kung wala talagang tao sa loob at niloloko lang pala siya ng tatlo? Paano kung ipagkalat nila Mark ang pangyayari at malaman ng nanay niya? Bahala na.

Humugot muna siya ng isang malalim na hininga na sinamahan ng ga-bundok na lakas ng loob at saka binuksan ang pinto. Tumambad sa harap niya ang isang napakaliit na kuwarto na ang tanging laman ay isang kama at isang maingay na bentilador na nakapatong sa bangko. Natutuklap na ang pinturang puti sa dingding nito at puro sulat pa ng pentel pen. Sa gilid ng kama ay may nakaupong babae. Nakaharap ito sa maliit na bintana ng kuwarto at nakatalikod sa kanya kaya’t di niya makita ang mukha. Panay ang buga nito ng usok ng sigarilyo. Pinagmasdan ni Manny ang nakatalikod na babae. Hindi seksi pero hindi rin naman mataba o payat. Puwede na.

Isinara niya ang pinto. Nagsalita ang babae pero hindi pa rin ito humaharap. Itinatanong kung siya si Manny. Oo, sagot niya. Shit, nanginginig na naman siya. Nakakahiya, baka malamang first time pa lang niya. Maghubad na raw siya, sabi ng babae.

Humarap ang babae at naghubad ng bestida. Bestida lang pala ang suot. Nanlamig si Manny at pakiramdam niya ay sasabog ang puso niya sa bilis ng tibok. Medyo maganda ang babae, kahit na hindi hawig kay Beth Tamayo. Siguro’y nasa beinte sais na ito at makinis sana kung hindi lamang dahil sa ilang kamot sa hita. Naghubad si Manny at itinambak nito ang damit kasama ang bag sa tabi ng bentilador. Laking tuwa niya nang malamang nakatayo ang mama. Nawala ang isa sa ikinatatakot niya. Malaki rin daw pala, sabi ng babae. Nawala ang kaba ni Manny sa narinig at muling nanumbalik ang tiwala nito sa sarili. Para bang orasyon ang papuring iyon para bigyan siya ng lakas ng loob.

Bahagyang nagpaka-kaswal si Manny, lalo pa’t naibsan na ang kanyang kaba. Nagawa nitong itanong sa babae kung ano ang pangalan nito habang papalapit siya rito. Nakahilata ang hubad na katawan ng babae sa kama subalit patuloy pa rin sa paninigarilyo. Sinagot niya ang katanungan ni Manny ng isa ring tanong: “Virgin ka pa ano?”

Natigilan na naman si Manny. Nawalan ng bisa ang orasyon. Hagilap siya ng isasagot. Bakit ba napakahirap sagutin ng tanong na iyan samantalang napakasimple lang naman. Oo o hindi lang ay ayos na. Siyempre pa, tumanggi itong si Manny, sabay lunok ng ga-bolang laway na naipon at bumara sa kanyang lalamunan. Balik na naman ang tambol sa kanyang dibdib habang ang babae ay ngingiti-ngiti. Huwag na raw siyang magkaila dahil sa tagal daw niya sa propesyon na iyon ay kabisado na niya ang mga lalaki. Ligaya na lang daw ang itawag nito sa kanya, na dinugtungan pa nito ng maigsi ngunit malutong na halakhak.

Katahimikan. Walang nagsasalita kundi ang maingay na bentilador.

O, ano pa raw ba’ng tinatayo-tayo niya. Isang oras lang daw ang bayad sa kanya, hindi na pwedeng tumawad. Bawal sa puwit, bawal halikan sa bibig, puwede ang kalmot pero hindi ang sabunot dahil mahirap mag-ayos ng buhok, libre ang blow job at hand job pero hindi puwedeng gumamit ng laruan. Puwede na rin daw sa kanya kahit na walang goma, tutal naman daw ay virgin pa siya. Anong goma? Kondom, tanga! Huwag na raw siyang mahiya dahil hindi na raw ito virgin. Wala na raw virgin sa katawan niya – lahat ng butas na puwedeng pasukan ay napasok na. Itinapon ni Ligaya ang yosi sa bintana, umayos ng higa, inilagay ang unan sa likod ng balakang, at saka ibinuka ang mga hita.

Nanlambot ang mga tuhod ni Manny sa bumulagang tanawin sa kanya. Hirap na hirap siya sa paghakbang patungo sa kama. Para bang napakabigat ng kanyang mga paa. Inabot yata siya ng dalawang minuto sa pagpunta sa kama gayong halos isang metro lang ang layo niya rito. Pilit niyang inaalala ang mga routine at posisyong kanina lang ay kabisa niya. Biglang na-blangko ang kanyang pag-iisip. Parang tinakasan siya ng kanyang pag-iisip.

Pumatong si Manny kay Ligaya at sinimulan itong halikan sa leeg. Natawa si Ligaya. Gusto muna raw palang maglaro ni Totoy, pero bakit raw siya namumutla at nanlalamig? Tawa uli. Hindi siya pinansin ni Manny, patuloy pa rin ito sa paghalik at pagdila sa leeg ni Ligaya. Balak niya sana itong paliguan ng laway mula ulo hanggang paa sa pamamagitan ng kanyang dila pero bakit nanunuyo ang kanyang bibig?

Bumaba nang bahagya si Manny. Binaybay ng dila niya ang masikip na daan sa gitna ng dalawang mapuputing bundok. Naramdaman niyang napaliyad si Ligaya, medyo nadadala na rin. Nasiyahan si Manny kaya’t dinala niya ang dila sa kanang dibdib habang ang kaliwa naman niyang kamay ay pinaglalaro sa kaliwa. Umungol si Ligaya at nagulat si Manny, gayunma’y napangiti ito sa paniniwalang napapaligaya niya ng kapareha sa pamamagitan lang ng mapaglaro nitong dila. Paano pa kung ang mama na ang maglaro?

Parang lalagnatin si Manny. Hindi siya makapaniwala sa nangyayari. Parang panaginip ang lahat. Mabilis ang tibok ng kanyang puso, pati ng kanyang ugat. Sumasakit ang kanyang singit. Muli siyang bumaba at dumako sa tiyan. Umungol na naman nang napakalakas si Ligaya pero hindi na siya nagulat. Ilang hakbang na lang at nasa bukid na siya. Amoy patis nga kaya? Sinabunutan ni Ligaya si Manny, dinakot ang buhok at binatak ang ulo pataas, pinababalik ang dila ni Manny sa kanyang leeg. Kinuha ni Ligaya ang kanang kamay ni Manny at isinubo ang kanyang hintuturo, pinaglalaro sa bibig. Ang kaliwang kamay naman ni Manny ay nauna na sa bukid, hindi makapaghintay.

Malikot din pala ang galamot ni Ligaya, maurirat sa aparato. Dinakot nito ang kanina pang naghihimagsik sa galit na katipunero. Nakakatatlong hagod pa lang si Ligaya nang makaramdam na ito ng dulas sa palad. Basang-basa ito ng mainit at malagkit na likido. Itinulak niya si Manny sa labis na inis kaya’t halos mahulog si Manny sa makitid na kama. Ang bilis naman daw niyang matapos gayong siya’y nagsisimula pa lang. Pumayag si Ligaya na umisa pa si Manny pero magsuot na raw ito ng goma dahil madali raw pala siyang magkalat. Eh, makakaisa pa ba siya, tanong ni Ligaya.

Hindi makasagot si Manny sa labis na kahihiyan. Sa halip ay tinungo niya ang pantalon upang kunin ang kondom. Binatak niya ang pantalon at kinapkap ang kondom subalit nagkalaglag ang mga baryang laman ng bulsa nito, nagkalansingan at gumulong sa ilaim ng kama. Napabuntong-hininga ang babae sa pagkairita. Tinangka niyang pulutin ang mga barya pero pinaalalahanan siya ni Ligaya na malapit nang matapos ang isang oras kaya’t iniwan na lamang ni Manny ang mga barya na nagkalat sa sahig.

Isinuot niya ang kondom sa muling nanunumbalik na pagkabuhay ng katipunero na may bakas pa ng lungad habang pinapanood siya ng kapareha. Umakyat siya ng kama para ituloy ang naudlot na laro. Nasan na ba siya? Tama, sa tiyan. Muli nitong pinaglaro ang bibig sa tiyan ni Ligaya na para bang walang nangyari. Habang pababa siya nang pababa ay painit ang painit ang pakiramdam niya, pasarap nang pasarap. Amoy patis nga ba? Bumaba pa siya, sa pusod. Eh ang bukid kaya? Amoy patis nga kaya? Heto na!

Blag! Bumalabag ang pinto pabukas na sinabayan ng sigaw na “Raid!”. Agad dinampot ni Manny ang pantalon, dinamba ang sapatos, kamiseta, at bag, saka walang kalingon-lingong tumalon sa bintana upang tumakas.

Halos mahuli na siya ng mga pulis kanina kung hindi lamang natigilan at natulala ang mga ito sa pagkakita sa hubad na katawan ni pokpok. Napakabilis ng mga pangyayari. Ang mahalaga ay nakatakas siya. Halos madapa si Manny sa ginawang pagtakbo palayo sa motel. Mabuti na lang at magkakapatong ang mga gamit niya kaya’t madali niya itong nadampot, lamang ay nakalimutan niya ang brief niya. Habang daan ay isinusuot niya ang pantalon, kamiseta, at sapatos. Buti na lang at walang gaanong dumaraang sasakyan o tao sa bahaging iyon.

Nilakad niya ang daan pauwi sa kanilang bahay sapagkat ang tangi niyang pera ay ang mga barya na nahulog pa kanina sa motel nang kinukuha niya ang kondom. Iika-ika siya sa paglakad, naipitan yata ng ugat ang paa niya sa ginawang paglundag sa bintana.

Dinatnan niya ang kanyang nanay at bunsong kapatid na naghahapunan na. Dumating na daw pala siya. Bakit daw ginabi siya? Hindi na nagawang sagutin ni Manny ang katanungan ng kanyang ina. Tumakbo agad ito sa banyo nang may maramdamang kakaiba sa kanyang pundilyo. May sumasakal sa kanyang alaga. Ang kondom!

Dali-dali niya itong tinanggal at ibinulsa sa pantalon dahil sa hindi niya maisip kung saan niya ito itatapon. Nakalimutan pala niya itong tanggalin sa labis niyang pagmamadali. Lumabas siya sa banyo na tuliro at pinagpapawisan. Naulinigan niya ang kapitbahay nila na nakikipagkuwentuhan sa kanyang nanay. Ni-raid daw pala ang motel dyan sa may kanto, kuwento ng kapitbahay nila. Namutla si Manny at nanlaki ang mata. Parang papanawan siya ng ulirat. Napansin siya ng kanyang ina. Bakit daw namumutla siya at pawis na pawis? May sakit daw ba siya? Saan daw ba siya nanggaling? Ang mabuti pa raw ay bumili muna siya ng patis, sa kanila maghahapunan ang kanilang kapitbahay, dagdag ng kanyang ina. Patis? Tuluyan nang pinanawan ng ulirat si Manny.

ayokong gumawa ng tula tungkol sa kape: isang tulang tuluyan tungkol sa kape

Sabi ko, di ako gagawa ng tulang tungkol sa kape. Kasi, lahat na yata, may tula tungkol sa kape, kung paanong ang lahat ng makata, lahat ng gustong maging makata, at lahat ng nagpapanggap na makata ay may tula tungkol sa pag-ibig, dagat, langit, bangungot, anghel, kamatayan. Kung paanong ang lahat ng kanto'y may 7-11, lahat ng kanto'y may AMA o STI, at nalalapit na ring lahat ng kanto'y magkaroon ng Starbucks. Kung paanong ang lahat ng Starbucks ay may makata, gustong maging makata, o gustong magmukhang makata na makikita mong nagsusulat sa tissue ng Starbucks gayong nandun naman ang makinis at mabango nilang journal na nakabukaka katabi ng isang baso ng kapeng may makipot na bukana.

Ito ang kape ng Starbucks, gayundin ng Seattle's Best, Figaro, Gloria Jeans, at ng iba pang kapihang nagpapanggap na Starbucks, Seattle's Best, Figaro, at Gloria Jeans - nasa tasang papel na nadadamitan ng karton at may makipot na bukana sa tuktok, na kung tutuusin, ang bukana naman talaga nito'y nakabisaklat, nakabukaka, mas maluwang at mas malapad pa kesa puwet nito. Pinakipot lamang ng plastik na pantalukbong sa tuktok na may bukanang tila bibig ng mahinhing dalaga o kaya'y puwerta ng mahinhing dalaga, o kaya'y butas ng puwet ng nagpapanggap na mahinhing dalaga.

Sabi ko, hindi ako gagawa ng tula tungkol sa kape. Kasi, lahat na yata, may tula tungkol sa kape. Kaso, naalala kita bigla. Para ka kasing kape ng Starbucks - nasa recycled na kinalalagyan, may recycled na saplot, may bisaklat at bikangkang na bukana pero nagpapanggap na makipot. Pero tangina, pag hinigop na ang iyong laman, kahit na puno ka pa ng kapaitan at may maasim na aftertaste, ang aroma mo nama'y may kalmot at sipa pa ring nagpapagising sa akin buong magdamag.



17 oct '05
Lunes
11.53 pm
Starbucks Shang

tiyope

Tinanong mo ako minsan: Ano kaya ang pakiramdam ng patay?
Hindi ko alam, sagot ko, kasi hindi pa ako patay.
Gusto ko sanang sabihin sa iyo: Hamo, pag patay na ako, dadalawin kita at sasabihin ko sa iyo,
Kaso, takot ka naman sa multo.

Tinanong mo ako minsan: Ano kaya ang pakiramdam ng umiibig?
Kahit ipaliwanag ko sa iyo, sagot ko, hindi mo rin maiintindihan kasi hindi ka pa umiibig
Gusto ko sanang sabihin sa iyo: Hamo, pag sinagot mo ako, ipararamdam ko sa iyo,
Kaso, takot naman ako sa multo ng pag-ibig.


18 oct '05
Tuesday
12.57 am

haiku of christian virtues

I. FAITH

A plover bird
enjoys its meal of the day
picking the gator's teeth.


II. HOPE

A sunflower
bows under the moonlight
anticipating the dawn.


III. CHARITY

A leaf
gnawed by a caterpillar
hosts its cocoon.

irony

halik ng punglo sa kanyang bungo
ang nagbukas ng sarado niyang ulo, sa wakas;
sayang lang at hindi na rin siya makapag-iisip nang maayos -
kumalat na kasi ang kanyang utak sa sahig at dingding.


19 sept 05
monday
6.24 am

mukhang guilty

Tama ang iyong ginagawa,huwag ka nang kumibo
Nakahalukipkip ka man sa pagkakaupo diyan sa sulok,
Ang mga binti mo nama'y aligaga sa pagkuyakoy
Ingatan mo't baka sila'y kumawala, magpanakbuhan sa kani-kaniyang direksiyon
At ang iyong noo't nguso, dumanas ba ng kalat-kalat na pag-ambon?
O baka naman may pilit kang inilulubog sa iyong
kalooban kaya't umaapaw na ang tubig sa iyong katawan?
Ang iyong mga mata, nagpapaalala sa akin ng mga mata ni Ate Guy sa pelikulang "Himala"
Ikaw ba'y nakakakita rin ng aparisyon, o sadya lang idolo mo si Ate Guy?
Tama ang iyong ginagawa,huwag ka nang kumibo
Di pa man naghihiwalay ang iyong mga labi,
bingi na ako sa ipinagsisigawan ng iyong mga kilos.


14 sept 05
5.15 pm
wed

dear mr. humanus arrogantus

isang letra lang
ang ipinagkaiba
ng tao sa tae
at sa bandang huli
kapwa'y magiging pagkain
ng mga uod
na siyang tunay na nagmamay-ari
ng lupa
kung saan lahat ay hahantong.


14 sept 05
7.28 pm
wednesday

bagong bihis

pinatay ko na si Britney Spears,
saka ko pinakawalan ang Incubus mula sa baul upang umatungal sa kanyang libing.

ang mga Mulawin at si Darna, kahit napamahal na sa akin, hinayaan ko na ring makalipad;
kailangan ko na rin kasing subaybayan ang "teleserye ng totoong buhay".

ang dingding ng aking kuwarto, pininturahan ko ng itim;
masakit na sa mata ang dati nitong kulay na seafoam green (at itim naman kasi talaga ang paborito kong kulay).

long hair, long beard, long face - yan ang porma ko ngayon;
at marahil, pag nagkita tayo, hahanapin mo ang naka-long sleeves na ako at sasabihing:

"Nagbago ka na, nagbagong bihis ka na."
sasagot ako: "Hindi ako nagbagong bihis. Hinubad lamang kita."


15 sept 05
5.00 pm
thursday

pamilyariti

minsan, tayo'y naghahanap ng mga bagay
na pamilyar.

ang isip nati'y humahabi ng lohikal na
konklusyon mula sa abstraktong konsepto,
kung paanong ang mata'y tumutungkab ng tiyak
na balangkas mula sa masalimuot na biswal.

tumunganga ako sa nagsisiksikang mga ilaw
ng Kamaynilaan, naghahanap ng pamilyar
na konstelasyon
subalit mga mata ko'y tinarak ng liwanag ng mga
bumbilya bago ko pa ma-ispatan ang Northern Cross.

dumungaw ako sa bintana at pinaglakad ang aking
paningin sa gitna ng dumaraang mga tao upang
hanapin ang aking ina sa matandang babaeng may
tangang supot, ang aking ama sa pulubing nakasalampak
sa bangketa, ang Diyos sa sorbeterong may tuwalyang
nakasampay sa balikat
ang natagpuan ko'y bumbunan, batok, braso, sapatos.

tinangka kong bumuo ng pamilyar na pangalan sa mga
taeng hugis letrang nakalutang sa inidoro
pero ako pala'y tinatakasan ng pangalan kapag
tinitibi.

kinuha ko ang panimulang letra sa bawat pangungusap
ng bawat talata ng headline sa tabloid, nirambol,
upang tumuklas ng natatagong mensaheng maghahayag
ng lihim ng piramide o kaya'y ng mga obra ni Da Vinci
pero sino'ng niloloko ko?

paggising ko nang umaga, natagpuan ko ang hinahanap kong
pamilyariti sa hubad na katawan ng estrangherong
nakahilata sa aking kama.


27 july 05
wednesday
8.48 pm

paghihintay

ang buhay ay isang bingo card na natatantusan
ng maliliit na piraso ng paghihintay.

bago tayo isilang sa liwanag, tayo'y isinisilang
sa dilim;
ito'y kailangan nating ipaghintay ng halos siyam
na buwan.

ang nanay, naghihintay ng uha sa gabi bago
pasusuhin o kaya'y palitan ng lampin ang sanggol;
sa gabi ng buhay ng nanay, maghihintay siya sa pagpatak
ng awa at pagsahod ng oras ng anak niyang pinasuso
na siya ngayong sa kanya'y magpapakain at magpapalit
ng lampin.

labinlimang minutong naghihintay ang isang mamimili sa
supermarket bago mabayaran at matikman ang isang
piraso ng tsokolate;
labinlimang araw naman ang ipaghihintay ng kahera bago
matikmang muli ang de-latang Maling.

ang may kanser, naghihintay ng katapusan;
ang bilanggo, naghihintay sa kawalan.

ang buhay ay isang bingo card na natatantusan
ng maliliit na piraso ng paghihintay;
minsan, ang mga tantos ay balangkas ng jackpot
minsan, ang mga tantos ay pabigat lamang sa
card para hindi liparin ng hangin sa ilang.



28 july 05
thursday
7.45 pm

prelude to paghihiwalay

mga butil ng kani'y nangangatal sapagkat nahahamugan sa hapag ng hapunan
sa katre nama'y may naglalambong na kawalang-kibong tila
isang telang pinalulundo ng mga sinipsip na luha;
paminsan-minsa'y pinagtatangkaang punitin ang tela
subalit pagninisnis lamang ang kayang gawin ng tikhim
at buntong-hininga
naghihilom na rin ang mga paltos ng ashtray at ang telepono,
nagtikom na ng kanyang mga labi
samantala, sa bawat sulok ng silid, ang mga gagamba'y
nagsisimula nang humabi ng agiw.


10 aug 05
wednesday
6.12 pm

nokturnal na tipanan

sa gabi, ang dilim ay parang itim na arnibal
   na bumubuhos
at tayo, isang pares ng langaw na dito'y nabibighani,
   tumitikim, nadidikit, hanggang sa 'di na makalipad
ang malapot at matamis na katas ng gabi, pinupunan ang
   mga puwang sa pagitan ng ating katawan,
pinupuno ang kawalang naghihiwalay sa atin sa mga
   dingding ng silid
kay bagal ng bawat nating kilos
pero ang ating hininga, di mahabol ng mga kamay
   ng orasan
sana, huwag nang dumating ang umaga
sapagkat sa pagsikat ng araw, tutuyuin nito ang dilim
   kung paanong ang arnibal ay pinalalabnaw ng pagsundot
   ng apoy, pinasisingaw
muli, magkakaroon ng puwang sa pagitan ng ating katawan,
   ika'y lilipad palayo, babalik ang kahungkagan sa paligid
at ang tanging iiwan ng natuyong itim na arnibal, sunog
   na asukal na kay pait.






25 aug 05
thursday
5.45 pm

erotika ng kahel

Pisilin ang kahel.
Ilapit sa ilong.
Marahan subalit mariin mong singhutin
Ang aroma nitong tila kamay ng dalagang
humahagod sa iyong kaluluwa,
patungo sa iyong alaala
Kung saan bubuksan ang pintong maghahayag
sa iyo ng isang Linggo ng umaga sa tag-araw -
May bahid pa ng himbing ang paligid, at
ang sinag ng araw, dumadausdos sa bagong punas
na baldosa't lababo ng kusina.

Biyakin.
Gumamit ng matalim na kutsilyo.
Kailangang mabilis at presiso.
Yung tipong magugulat ang kahel,
walang aray, at malalaman na lamang niya
na siya'y dalawa nang katauhan.
Masdan ang pagluha ng bawat kabiyak dala
ng pangungulila ng kaliwa sa kanan,
at ng kanan sa kaliwa
Gayunma'y di dapat mabagabag sapagkat
kailangan pang hiwaing muli ang kabiyak
Tumapyas ng manipis na hiwa.
Muli, mabilis, presiso.
Sapat nang luha ang ibubulwak ng kahel
upang diligin ang iyong uhaw
Kunin ang manipis na hiwa ng kahel-
Ang hugis na magpapaalala sa iyo ng langit
sa gabing pinalalamlam ng bulungan
ng magsing-irog sa damuhan.

Kagatin.
Marahan subalit mariin.
Banayad at presiso.
Lasahan ang pagsabog ng manamis-namis at
maasim-asim na kalawakan sa iyong dila
Damhin ang kilig at kiliting hatid ng pagputok
ng mumunting kristal sa loob ng iyong bibig.
Hayaang bumulwak ang katas mula sa iyong labi.
Pagapangin sa iyong baba ang malapot na ilog
Hanggang maging patak ng ulan sa hubad mong dibdib.


24 june 05
7.15 pm
thursday

time machine

Pinapagpag ng hangin mula sa bentilador
ang mga dahon ng aking talaarawan.

Sumilip si Selya't pinahid ang kanyang luha,
ang una kong kasintahan.

Mga batang kalaro'y saglit na naghiyawan,
mag tinig na ngayo'y di na mahagilap.

Napadaan ang binatilyong may tangang balutan ng damit,
may sunong na paghihimagsik.

Kumampay ang libog ng prom night,
kaagapay ay bula sa baso ng alak.

Kumaluskos ang halimaw sa ilalim ng kama,
pumalahaw naman ang kalderong hungkag.

Ang bentilador ay isang time machine.



06 july 05
wednesday
5.20 am

democrazy

isang langaw
ang nagba-backstroke
sa malamig na sabaw
na hapunan
ng isang manggagawang
umaahon
sa mainit na baso ng alak
ng isang dayuhang kapitalistang
kumakawkaw
sa laot ng isang bansang
nalulunod
sa maligamgam na alon
ng demokrasya.


13 july 05
wednesday
2.35 pm

cliche

Nakalimutan mo na naman bang
isara ang gripo kagabi, honey
Bago ika'y tumungo sa trabahong panggabi?
Ako'y nagising sa hanggang beywang na baha
Tuloy ang kama natin ngayon ay basang-basa
Ang ating wedding pictures, lumalangoy
at kulay ay kumalat
Tila mga abstract painting na kahulugan
ay di masalat
Ang iyong ganda ay hindi maaninag
Ang ating mga ngiti, hindi masipat
nang maliwanag
Panyo ko na iyong regalo nung huli kong
kaarawan
Inanod din pala kasama ng mga larawan
Bukas mong aparador ay sinadya upang mga
damit mo ay masuri
Walang natagpuan kahit na isang panty
Tinungo ang banyo upang gripo'y isara
Habang iniisip kung saan, mga damit mo'y
dinala ng baha
Subalit natagpuan, gripong walang kibo
Hinuha ko'y mali, siyang napagtanto
Tubig na muntik nang lumunod sa akin kanina
Hindi pala tubig-baha kundi maalat na luha
Isang tanong ang sumundot sa puso kong natulala
Ito ba'y luha mo o luha ko, sinta?

19 july 05
tuesday
1.57 pm

pag-ibig na siomai

Ganito mo ako minahal-
dinurog, pinitpit, binilog
Ibinalot sa balatkayo mong pagsuyo
Ngunit hanggang kailan ako makikisawsaw
sa iyong toyo
Bago malasahang ako'y di pantawid-
gutom ng iyong layaw?



21 july 05
thursday

para sa iyo, sleeping beauty (ang mortal kong kaaway)

tinangka kong ika'y ikulong
sa salakab ng aking machismo
at sa iyo'y makipagbuno
na-underestimate kita-
ang akala kong goldfish, naging
isang dambuhalang isda
ako'y nilunok mo nang buo
magmula ngayon, ako'y tawagin
mo nang Jonas.

pero di tulad ni Jonas,
nais ko nang magtayo ng palasyo
sa loob mo
sa tuktok ng tore, doo'y kakampay
ang puting bandila
(kay tamis ng pagkatalo kung
ikaw ang kalaban!)
tatayo ako sa tore at ihahayag ang
mga sugat na aking tinamo-
mga kalmot ng kuko sa aking likod
at mga kagat sa aking leeg at dibdib
ang mga ito ang magsisilbi kong
medalya ng katapangan.

ngayon, ika'y nahihimbing sa
king size na dagat,
na kanina'y nagsilbi nating arena
ang dambuhalang isda, isa nang goldfish
na tila lango sa pormalin;
walang kibot sa lambat ng antok
nais ko sanang muling lumusong,
sukatin ang lalim ng arena
upang sa susunod, ako naman
ang manakop
subalit baka ika'y magising
at aaminin ko, ako'y hindi pa
handa sa muling pagkatalo
nanlalambot pa ang aking mga tuhod.


26 july 05
tuesday
7.10 pm

the feast

in the penumbra of my mind
words feast upon silence
they're taking their time
silence is a banquet on the table of eternity

huling gabi

May mga bagay na di mapakali sa
kalaliman ng gabi -
Butil ng luha na kumakatok sa
buko ng bulaklak, upang sa umaga'y
may talulot na mahihimlayan
Panaginip na bumubula sa bibig ng
bote ng sampan,
Bangungot na kumakalog sa loob ng
mapait na kapsula
Bukal ng kabataan na bumubulwak sa bawat
paghilik, patingkayad na nililisan ang
katawang pinagsibulan
Mga pilantik ng dilang umuukit ng panalangin
sa hubad na pader
At ngayong gabi, isang kaluluwa ang
magpapanggap na payaso, dala ang
lahat ng ito
Magpapalaot siya sa liwanag ng buwan
Ipagpapalit ang nasabing bagahe ng buhay,
katumbas ng isang kaputol ng lubid.



02 june '05
6.20 pm

bagong umaga

sa balkonahe
inilawit ko ang aking dila
ninanamnam
ang iyong katas
sa hamog na naglalambong
sa umagang nag-iinat
subalit
alat ang nalasap,
ang sumaling sa aking dila
at ang hamog,
dumapo sa aking mata


19 june '05

babala sa kartograpo

Huwag mo nang tangkaing gawan ng
mapa ang aking isip
Iligpit mo na ang iyong lebel pang-surbeyor
Sapagkat ang mga muhong ibinaon ng
kahapon, kadalasa'y hinuhugot ng mga
halimaw ng ngayon -
Ipinupukpok sa kanilang ulo upang
magpatiwakal.
Kung balak mong mag-iwan ng sariling
tanda na para bang mga tuldok sa
librong pambata
Na sa bandang huli'y iyong pagdudugtung-
dugtungin
Upang makalikha ng anyo, makahalaw ng
pamilyar na larawan,
Ang kompas ng iyong mabuting pakay,
manginginig lamang sa pagkapahiya.
Kukote ko'y walang takdang hilaga
Ang kinatatayuan mo'y makunat na luwad -
Regular na nilalamas, nilalapirot,
minamasa ng higanteng kamay ng bukas,
Kamay ng paslit na humuhubog ng
kakatwang pigura.
Lumabas ka na sa isip ko
Bitbitin mo na ang iyong lebel pang-surbeyor
at kompas
Baka ika'y maabutan pa ng higanteng kamay
at malamas, malapirot, at mamasa
kasahog ng makunat na luwad.


22 june '05
wednesday
7.22 pm

mga binalahurang bugtong

intro:
ako'y bibira, mahabang-mahaba
ako'y tutulo, tapos na po

I. toro

hubo't hubad,
lumiliyad

orig:
buto't balat,
lumilipad (saranggola)

II. malibog na kumpare

maliit pa si kumpare
inaakyat na si kumare
(hayan, malaki na si kumpare!)


orig:
maliit pa si kumpare
umaakyat na sa tore (gagamba/langgam)

III. pokpok

marikit na prinsesa
nakabukaka sa tasa

orig:
munting prinsesa
nakaupo sa tasa (kasuy)

IV. tarzan x

dumaan si tarzan
nabiyak ang daan
lumawit ang suman

orig:
dumaan si tarzan
nabiyak ang daan (zipper)

V. tarzan x.2

dumaan si tarzan
nabiyak si jane

VI. tarugo

baston ni Adan
di mahawak-hawakan
kasi, lumalaban

orig:
baston ni Adan
di mahawak-hawakan (ulan)

VII. keps

tabla magkabila
mabuhok ang gitna

orig:
tabla magkabila
alulod ang gitna (dahon ng saging)

VIII. gang bang

isang bayabas
pito ang bumutas

orig:
isang bayabas
pito ang butas (ulo)

kung bakit ako umuwing basa

Tubo ng NAWASA sa kanto ng Kalentong
Ay isang matandang ahas na nasibat
ng mangangasong DPWH
Dugo'y sumisirit, nagpapabukal ng
tubig at putik
Na siyang dumidilig sa isang
babaeng ligaw
Nakangisi, labas ang mga ngipin,
labas ang mga suso
Animo'y babaeng Poseidon na nagtatampisaw
sa banal niyang dagat
Binabalot ng hiwaga ng abuhing utot
ng mga Sarao at Tamaraw
Na kanyang mga nympa ng dalampasigan.
Ako nama'y si Odysseus
Abang lagalag na inanod ng daluyong ng trapiko
Patungo sa yaring banal na dagat
Kung saan di sinasadyang naisawsaw
ang aking paa -
Isang panghihimasok at katampalasan
sa kadakilaan ng Diyosa ng Dagat (Burak)
Kaya't iwinasiwas ng babaeng Poseidon
ang kanyang trident
Na lumikha ng masangsang na tsunami
sa ngalan ng kalapastanganang inabot
Tuloy, ako'y umuwing basa.



02 may 2005
monday

ina, bakit ka lumuluha?

Ina, bakit ka lumuluha?
Dahil ba sa sanggol mong may sakit,
O kaya'y sa kapirasong kartong tagapamagitan sa malamig
na sahig at pagal mong katawan
Dili kaya'y dahil sa nilalangaw na mga butil ng kaning lamig
sa pinggang may lamat -
Hatid ay tila wisik lamang sa umaapoy na sikmura
Dahil ba ito sa kahirapan ng buhay na tila
bloke ng semento na nakatali sa iyong leeg?
Kahit na anong kampay ang iyong gawin ay
patuloy ka pa ring nilulunod sa dagat
ng pagkabalisa at inilulubog ang iyong pag-asa

Ina, bakit ka lumuluha?
Dahil ba sa mga anak na humulagpos sa iyong palad?
Sila mismo ang pumutol sa pusod ng pakikipag-ugnayan
gamit ang talim ng kanilang mga sungay
Hinulma mo sa abakada at tiyaga ang kanilang
kaisipan
Nililok sa magandang halimbawa at pangaral ang puso
Hinabi sa panalangin at sakripisyo ang kaluluwa
Upang sa bandang huli'y ipamukha sa iyong di mo
pa rin taglay ang birtud na makapagtutuwid ng
kanilang kapalaran
Ang una'y binalot ng palara ang kinabukasan at pinuno
ng nakalalangong usok ang natitirang espasyo sa
makipot niyang mundo
Sinakmal ng kristal na halimaw, tinunaw ang natitirang katinuan,
saka itinae bilang isang kriminal
Ang ikalawa'y hinog sa pilit, napitas nang wala sa panahon
sa masukal na eskinita isang gabing walang buwan
Kasabay ng pagbulwak ng dugo ng kawalang-muwang mula
sa murang pagkababae ay ang pagtagas ng kapaitan
at pandidiri sa sarili
Magmula noo'y nagpalipat-lipat sa iba't ibang katawan
Nasa'y makaamot man lamang ng konting init upang
maibsan ang nakangingilong panlalamig -
Panlalamig na dulot ng kahungkagang iniwan ng kainosentehan.


Nais mo silang yakapin subalit sadyang ayaw
nilang pasakop
Gabi-gabi'y sinisisi mo ang iyong sarili kahit di mo
alam kung saan ka nagkamali
Pakiramdam mo'y nagkulang ka kahit ang tanging
nalalabi na lamang sa iyong sarili ay ang kulubot sa iyong mukha.


Ina, bakit ka lumuluha?
Dahil ba sa nakalimutan mo na ang iyong sarili?
Isa kang ina na dapat maging matatag, anak na dapat maging mapagmahal,
asawang dapat maging masunurin, babaeng dapat na walang karapatan
Isinilid mo sa sako ang sarili mong mga pangarap,
iginapos ang pagkakakilanlan at saka ibinaon sa lupa
Sapagkat ang tanging hinihiling sa iyo'y walis at palu-palo,
hindi diploma at pangalan.

Hayaan mong pahirin ko ang iyong mga luha, tipunin ang mga ito
at isaboy sa madla
Di ba nila batid na ang patak ng iyong hinagpis ay
higit na dakila kaysa benditang ipinaliligo ng mga banal?



15 march '05
tuesday
8.33 pm

itim

isang kahong itim,
walang imik
idinuduyan ng dagat
ang ilalim, hinahagkan ng
sutlang tubig
ang ibabaw, ipinaghehele
ng liwanag ng buwan
dinapuan ng uwak
lumikha ng maliliit na
pagkulot ng tubig
sa palibot ng kahon
mumunting alon na sumasayaw papalayo,
humahagod
na agad ding pinayapa ng dagat.


31 mar 05
thursday

red butterfly hairclip

"Bibili ka ba talaga o tatayo ka lang diyan?"

Hindi sumagot si Ramon. Sa katunayan, walang narinig si Ramon. Nanatiling nakapako ang kanyang mga mata sa pulang hairclip na hugis paruparo na nakikigulo at nakikipagsiksikan sa mga laso sa buhok, baraha, kandado, salamin, at mga lighter sa maliit na bilao na siyang suma ng kabuhayan ng maitim na tindera.

"Magkano po dito sa hairclip?"

"Ay, iyan mare, yung hugis rose, yung kulay blue, maganda."

"Maganda yan ate, bagay sa kulay ng damit mo. Kunin mo na yan, forty pesos na lang yan para sa iyo."

Walang naririnig si Ramon, wala siyang nakikita kundi ang pulang hairclip na hugis paruparo. Tila nahipnotismo siya ng maririkit na kinang ng mumunting glitters na nagsabog mula sa antenna hanggang pakpak ng plastik na paruparo. Isang tulak mula sa matabang babaeng namimili ang siyang gumising kay Ramon mula sa dilat na pagkakahimbing.

"Excuse me!" paismid na sabi ng ale.

Nagmisulang tasa na binangga ng bariles si Ramon. Halos mawalan siya ng panimbang sa lakas ng puwersang bumangga sa kanya.

"Hoy, tumabi ka nga diyan. Wag mo ngang harangan ang mga kostumer ko. Alis diyan. Oy, ate, bilhin mo na yan. Maganda ang pagka-blue nyan o, bagay sa iyo."

Paalis na sana si Ramon pero naalarma siya sa kanyang narinig: "Mare, parang mas maganda yung butterfly hairclip."

Nag-panic si Ramon. Nag-iisa lamang ang butterfly hairclip na iyon, nag-iisa sa buong Baclaran at nag-iisa para sa kanya. Siya lamang ang maaaring magmay-ari noon, sa kanya lamang nababagay ang red, glittery butterfly hairclip.

Parang gustong hablutin ni Ramon mula sa punggok na mga kamay ng matabang ale ang butterfly hairclip. Malakas ang udyok sa kanya na agawin ito, itakbo, at habang buhay na ipalamuti sa kanyang kulot at mala-eskobang buhok.

Matamang tinititigan ni Ramon ang matabang ale habang ipinagkukumpara ng huli ang asul na rose hairclip at ang pulang butterfly hairclip, titig na may halong antisipasyon at lihim na usal ng panalangin na sana'y wag maisipang piliin ng matabang ale ang butterfly hairclip. At kung totoo ang telepathy, malamang ay nakulili na ang matabang ale dahil sa sangkatutak na telepathic messages na walang patid na ibinabato ni Ramon sa kanya tulad ng “Ang asul na hairclip na ang piliin mo, angit ang red” o kaya’y “Mas bagay sa iyo ang asul na rose hairclip, mas pumapayat ka dun. Nakakataba ang pulang butterfly hairclip.”

Pakiramdam ni Ramon ay sadya siyang tinutuya ng ale sa bawat pagpatak ng segundo na hindi nito magawang magpasya. Hanggang sa mabunutan siya ng tinik nang ibaba ng matabang ale ang red butterfly hairclip at ipabalot sa tindera ang blue rose hairclip.

“You want the red hairclip?”

“Ha?” Tumalikod si Ramon upang tuntunin ang pinanggagalingan ng tinig. Halos malula siya nang tumambad sa kanya ang mala-higanteng pigura ng matanda at payat na puting dayuhan.

“Kung gusto mo daw itong pulang klip,” sabad ng maitim na tindera sa tonong may halong panunuya at pagkainis. “Bibilhin ata ni Kano para sa iyo. Baka tayp ka. Baka pidopayl. He..he..”

Saglit na tinapunan ng tingin ng dayuhan ang tindera.

“Joe, bay peyper bag. Onli piptin pesos. Ep por, Daw Ming Su peyper bag. Luk! Byutipul peyper bag!” ang tanging nasambit ni Ramon. Hindi nya alam ang ibig sabihin ng pidopayl pero pakiramdam niya ay humaba at umunat ang kulot at mala-eskoba niyang buhok at kuminis ang sunog niyang balat sa salitang “tayp”.

“Look, I’ll buy all of your paper bags, plus the red hairclip if you would come with me. You like the red butterfly hairclip very much, don’t you?” Masuyong sagot ng dayuhan.

“O, bibilhin daw nya lahat ng tinda mo, saka itong klip para sa iyo kung sasama ka daw sa kanya. Tangina, pidopayl nga ang gurang. Ha..ha..ha.. Tayp na tayp ka. Naku, almoranas ang abot mo. Ey, Joe, wan bay layter? Ten pesos onli. Hir o, ten pesos onli.”

Kumislap ang mga mata ni Ramon, tumangos ang ilong, pumula ang mga labi, at kumabog ang dibdib. Naalala niya ang kuwentuhan nila Myka at Regine, ang mga baklang parlorista sa kabilang eskinita, nang minsang tumambay siya sa shop ng mga ito. Masarap daw ang mga Kano, dabi ni Myka, kasi dakota raw ang mga ito. Ulo pa lang daw ay mabibilaukan ka na. Kaya nga daw panay ang sali niya sa mga gay beauty contest sa iba’t ibang baranggay ay para makaipon siya ng pamasahe papuntang Merika. Si Regine naman, kuntento na raw sa mga Pinoy. Ayaw daw niya ng sobrang dakota dahil masakit daw kapag binongkang, para daw itatae mo ang bituka mo. Pangarap din daw niya ang mapuntang Merika, lamang ay upang magpayaman lang.

Tinitigan ni Ramon ang dayuhan. Nakatitig ito sa kanya, nakangiti, naghihintay ng kanyang sagot na para bang masugid na manliligaw na naghihintay sa pagbitiw niya ng kanyang matamis na oo.

Pinagmasadan ni Ramon ang kanyang manliligaw – maputi, makinis, matangkad, mukhang mayaman (maiinggit si Regine!), mahahaba ang mga braso’t binti (maiinggit si Myka!). Mukha naman itong mabait dahil kung hindi ay bakit naman nito bibilhin para sa kanya ang matagal na niyang inaasam-asam na red, butterfly hairclip, sampu ng mga tinda niyang paper bags.

Inilipat niya ang paningin sa red butterfly hairclip na nakikigulo at nakikipagsiksikan sa mga abubot sa bilao. At muli, nahipnotismo siya ng marikit na kinang ng mumunting glitters nito. Ibinalik niya ang titig sa dayuhan. Kumabog ang kanyang dibdib at pakiramdam niya ay itatae niya ang bituka niya.

Makalipas ang ilang oras, ang masikip na bangketang iyon ng Baclaran ay naging isang napakalaking bulwagan, at ang mga tindero’t tindera na nagpapasikip dito, ang kanyang maigting na mga tagahanga. Pakiramdam niya ay itatae niya ang kanyang bituka kaya’t iika-ika siya sa paglakad gayunma’y ang tingin nya sa kanyang paghakbang ay rampa ni Myka sa entablado sa plasa nang manalo ito bilang Miss BarangGAY. Hindi, mas maganda siya kesa kay Myka sapagkat makinis ang kanyang sunog na balat, matangos ang kanyang sarat na ilong, mapula ang kanyang makakapal na mga labi, at ang kulot at buhaghag niyang buhok, ngayo’y napakahaba, abot hanggang maliit niyang beywang, at unat na unat dahil sa palamuti nitong red butterfly hairclip na ang mga maririkit na mga kinang mula sa mga glitters nito ay nakapanghihipnotismo sa lahat ng makakasulyap dito. Sa edad na onse, dalaga na si Ramon!


15 jan ‘04
thursday

larawan

Kadilima'y pilit na sinusupil
ng ningas ng kandila -
Isang malikot na sanggol na
pumupunit palabas sa itim na puwerta
O kaya'y isang kahel na tutubing
nagpupumiglas makalaya sa itim
na sapot
Ang tunggaliang liwanag-dilim na ito
ang siyang nagbibigay depinisyon
Sa bawat lukot at guhit sa mukha
ng isang ina
At sa kislap ng mata at bilog
ng pisngi ng isang paslit
Kuwadrado ng malamlam na sinag,
sila'y kapwa bumibigkas ng abakada.


03 April 05
Sunday
11.19 pm

ang tagahanga

Ito lamang ang una at siguradong siyang huli na ring pagkakataon para masilayan niya kahit na anino man lamang ng kanyang idolo. Nagsimula nang mabulabog ang mga nakapaligid sa kanya, naging balisa, naging malikot kasabay ng mabilisang pagbubuntis ng tensiyon at pananabik na nagluwal ng tulakan at siksikan upang makaabante sa unahan, sa tabi ng rehas na bakod na siyang naghihiwalay sa idolo at mga tagahanga. Namimilipit ang mga leeg at nagtitingkayaran ang mga sakong. Siya, palibhasa'y may kabansotan at kapayatan ay nagsa-ahas sa paggapang at paglagos sa pagitan ng mga binti at hita, di alintana ang amoy ng pawis, singit at puwit at ang mga yapak ng maruruming sapatos na halos dumurog sa mabuto at mahahaba niyang mga daliri sa kamay.

Kaalinsabay ng pamimilipit niya sa sinsinang pagitan ng mga binti ay ang pag-igting ng daluyong ng ingay na una'y mga malalakas na bulungan at impit na kilig at bungisngis lamang hanggang sa maging nakatutulig na sigawan at hiyawan at palasak na papuri sa pangalang "Ate Guy", ang alon ng admirasyong agarang nagtangay sa kanya sa unahan ng lupon. Lamang, nang marating niya ang destinasyon, ang mga tilian ay napalitan ng malulutong na halakhakan at ang mga palasak na papuri ay naging palasak na pangungutya. Ang nasilayan niya - si "Ate Gay" - parehong nunal, parehong kilos, parehong mukha, magkaibang kasarian.

Sa kabila ng bugbog, pasa, at paltos sa paa at kasangsangan na kanyang tinamo sa pakikipagsiksikan ay uuwi pa rin siya sa probinsya na may ngiti sa labi at may kasiyahan sa puso. Nasulit ang kanyang pamasahe paluwas ng Maynila, pamasaheng binuo ng mga baryang kanyang tinipon kapalit ng ilang umagang di pag-aagahan, upang makita lamang ang kanyang idolong si Ate Guy. At di siya nabigo. Sigurado siya, si Ate Guy iyon.



03 april 05
sunday

linggo nang hapon

Kay sarap ng ganito, mahal...

Paminsan-minsang tikatik ng natitirang ambon
Sa bubungang lata'y tila tiktak ng mahinhing orasan,
Animo'y nahihiyang pinsalain,
Kapayapaang nakakulambo sa paligid.

Hangi'y hiningang amoy alimuom at bagong dilig na damo
Nagpapaalon sa kurtina ng bukas nating bintana.
Bitbit ay panaginip sa pusang sa pasimano'y naiidlip,
Hatid ay lamig sa balat nating kapwa hubad
sa ilalim ng puting kumot na ating pinagsasaluhan.

Habang ika'y nahihimbing sa aking dibdib,
buhok mo'y aking nilalaro.

Paghinga mo'y kasaliw ng tibok ng aking puso
Dampi ng iyong balat ay buhay na pangarap
Tahimik kong dinadalangin na nawa'y siyang bumasag
sa pader na itinirik ng tag-araw.


20 april 2005
wednesday
6.40 am

subok lang

Ngayong araw na ito, sinubukan kong salubungin ang umaga nang bukas ang mga mata. Saka ko lamang napansin na ang mga sinag pala ng araw na naglalagos sa kurtina ng aking bintana ay hindi marahas na liwanag na pilit tumutungkab sa nahihimbing ko pang mga mata, bagkus ito'y mga mumunting gintong tulay kung saan nagpaparoo't parito ang mga mapaglarong duwende. Hindi ang mahapding sinag ng araw ang humalik sa aking balat kundi init ng pagbati ng isang magandang umaga.

Sinubukan kong ngitian at halikan ang aking ina na nang mga oras na iyon ay abala na sa pagluluto ng agahan. Sabi niya sa akin, ano daw ba ang nakain ko. Sabi ko, wala pa, kakain pa lang.

Kaya't sinubukan kong tikman ang mainit na champorado at malutong na tuyo na karaniwan nang inihahain ng aking ina sa agahan na karaniwan ko na ring itinatakwil sa ngalan ng pancakes ng jollibee o kaya'y ng mc omelette ng mcdo. Hanggang sa ang tikim na iyon ay naging madibdibang kain, at ang kain ay nagmistulang pakikipagniig sa champorado at tuyo. Sino ang mag-aakalang ang abang hain na ito ay singsarap pala ng piging na angkop sa isang hari?

Bago ako lumabas para tugunin ang hamon ng maghapon ay sinubukan kong humarap sa salamin at ngitian ang sarili kong repleksyon. At sinabi ko sa kanya, "ito'y magiging isang magandang araw". "Tiyak yun", sagot niya.

Sa dyip patungo sa opisina, sinubukan kong iabot sa drayber ang pasahe ng katabi ko, di tulad dati na nagtutulug-tulugan ako o kaya'y nagbibingi-bingihan. Sinabi ko sa sarili ko na isa itong simpleng paraan upang makatulong ako sa kapwa ko. Kumbaga, ito ang modernong bayanihan.

Buong giliw na nagpasalamat ang katabi ko (isang babaeng naka-pang-opisina). Hindi ko alam kung bakit pero parang ang "salamat" na iyon ang pinaka-sinserong katagang narinig ko sa matagal na ring panahon.

Saka ko napansin na maganda pala ang babaeng katabi ko - maputi, makinis, mapungay ang mga mata at mapupula ang mga labi. Animo'y isang buhay na imahe ng birhen mula sa istampita. Di man siya magsalita ay batid mong ang kanyang tinig ay sinlamyos at singbanayad ng sa anghel.

Sinubukan kong magpakilala sa kanya. Tinangka kong iabot ang aking palad upang makipagkamay at binati ko siya ng isang magandang umaga. Wala namang masama doon, sabi ko sa sarili ko bilang pampalakas ng loob.

Tinitigan ng buhay na imahe ng birhen mula sa istampita ang iniaabot kong kamay. Tinitigan niya nang matagal. Matagal na matagal. Saka siya bumunghalit ng tawa. Malakas. Malakas na malakas.

Ang malamyos at banayad na tawa ng anghel ay naging halakhak ng isang demonyo, halakhak ng isang demonyong nasa loob ng malalim na balon, umaalingawngaw, nakayayanig. At ang buhay na imahe ng birheng mula sa istampita, nag-iibang anyo. Tinutubuan ng mahahaba at mala-talahib na balahibo ang maputi at makinis niyang kutis. Ang mapupungay niyang mga mata, nanlilisik, umaapoy na tila pugong sagana sa susog ng dayami. At ang mapupulang labi, pinangingibabawan ng matatalim na mga pangil at pinaglalawa ng bumubulang laway.

Nag-usbungan ang butil-butil na pawis sa aking balat at nanginig ang aking mga laman dahil ang mga pasahero ng dyip, pati na ang drayber, ay nagkokoro na rin sa paghalakhak.

Sinubukan kong pumikit, huminga nang malalim, bumilang, pigilan ang pagsingaw ng aking mga mapaminsalang emosyon. Subalit ang singaw, kapag iyong pinipigilan ay magsasanhi lamang ng presyur na nagtataglay ng daang beses na mas mapaminsalang puwersa.

Kaya't naramdaman ko na lamang na tumama ang aking nanginginig na kamao sa panga ng buhay na imahe ng birheng naging demonyo. Lumikha ito ng paglagutok ng panga ng demonyo at pagsabog ng bumubulang laway. Pagkatapos ay dumako ang aking mga kamay sa mahaba niyang buhok, dinaklot ang mga hibla, kinaladkad ang demonyo sa sahig na nang mga sandaling iyo'y tila buhay na imaheng mula sa bote ng hinyebra, at saka ko siya inihulog mula sa sinasakyang dyip na humaharurot.

Napasigaw ang mga pasahero dahil sa nasaksihan. At ako naman, napahalakhak nang buong lakas - tila halakhak ng demonyong nasa loob ng malalim na balon. At hindi ko sinubukang pigilan iyon.



20 april 05
wednesday
11.20 am

alitaptap

Tinangay ng hangin ng panghihinayang ang
kapirasong pag-asang lumulukob sa puso ko
Liwanag na hatid mo pala sa pag-ibig kong
inangkin ng dilim at lamig ay kawangis ng
sa alitaptap --
Ang kulay at halina ay pambawi lang sa
kahungkagan sa init at katabangan sa alab
Na dapat sana'y magpapakibot sa namamanhid na mga ugat
ng aking puso
Aandap-andap mong sinag ay di sapat upang ako'y
akayin palabas sa maitim na lagusan ng
pangungulila,
O kaya'y silawin upang ibangon mula sa bangungot
ng pag-iisa
Sana'y di na ikinulong ang iyong kaselanan sa pagitan
ng aking mga palad
Sana'y di ka na hinayaang dumapo sa aking ilong
at ako'y bigyan ng ilusyon ng kariktan
Kung alam ko lamang...
Ang pag-ibig mo pala'y kawangis ng liwanag ng
alitaptap -- mapang-akit, mapanlinlang
Pag-ibig mo'y walang init, mapanglaw --
pag-ibig na galing sa puwet.


10 march '05
thursday
7.30 pm

pakisabi

Pakisabi sa kanya, sawa na ako
Pagod na akong magmahal
Naninigas na ang aking mga binti, mga paa ko'y
pinamimintugan na ng ugat
Sa pagsunod sa kanya sa pagtapak sa mga ahas
at paglakad sa ibabaw ng tubig
Pinabayaan niya lamang akong lasunin ng kamandag
at tangayin ng humahalakhak na alon
Mga mata ko'y namumugto na sa pagtangis sa
labis na pagsisisi
Hindi kasalanan ang maging isang normal na
tao lamang - lumaki sa dawagan at kasukalan
at sa kahinaan ng tuhod ay madagit ng ibon na
nagdaraan
Pakisabi sa kanya, pagtirhan naman niya ako
ng dignidad
Sapat nang luha ang ibinulwak ko para sa kanya
Akala ko'y mahuhugasan ang salamin ng aking
pagkatao sa aking pagtangis, yun pala'y
aanurin lang nito ang respeto ko sa aking sarili
at lulunurin ako sa kawalang-kibo
Pakisabi sa kanya, hindi ko naramdaman ang
pag-ibig niya na tinu-trumpeta niya sa buong mundo
at ipinagmamakapuri niya sa madla
Dahil manhid na ang katawan ko sa palo ng mga
kautusan niyang iniukit sa bato
Pinasalamatan ko siya, nanunmbat siya
Pinuri ko siya, nagmalaki siya
Tinawag ko siya, nagtago siya
Inibig ko siya, naging mailap siya
Suwerte mo dahil ikaw ang mahal niya
Nang magutom ka, pinakain ka niya
Nang mauhaw ka, pinainom ka niya
Naging palaboy ka pero tinanggap ka niya
Nahubdan ka pero dinamitan ka niya
Nagkasakit ka't ikaw ay kanyang inaruga
Nabilanggo ka subalit ikaw ay kanyang dinalaw
Sabi niya, ang perlas daw kasi ay hindi ibinibigay
sa baboy dahil yuyurakan lamang ito
Kaya't pakisabi sa kanya, tapos na ako sa kanya
Gayunpama'y ihingi mo na rin ako ng tawad
sa gagawin kong pagtatakwil sa kanya.
Pakisabi na lang sa kanya
Pakisabi ng lang sa Diyos
Tutal, mas malakas ka naman sa kanya...
(Iba talaga ang tinitingnan sa tinititigan).


24 feb. 05
thursday
6.30 pm

isang paglalakbay

Unti-unting hinihila ng araw ang natitirang kakarampot na liwanag patungong kanluran, nag-iiwan ng mapupulang bakas sa mapusyaw at mausok na atmospera ng Maynila. Animo'y batik ng panandaliang pamamaalam ng haring tanglaw upang magbigay-daan sa pagdating ng karimlan, magpaubaya sa pagbuhos ng gabi ng kanyang kaanyuan. At sa pag-angkin ng dilim sa kanyang bahagi ng maghapon, ang mga ibong kanina'y nakikipaglaro sa saliw ng ihip ng masangsang na hangin, ngayo'y nakaupo sa kanilang mga pugad, sa piling ng mga inakay na sa loob lamang ng ilan pang sikulo ng buhay ay siya namang magpapalaot sa amihan. At ang mga tao ng maghapon, hangad ay ginhawang hatid ng kani-kanila ring mga pugad. Nasa'y maangkin ang himbing na handog ng katre't papag, pasailalim sa hipnotismo ng antok, pasakop sa kahiwagaan ng panaginip. Subalit hindi ako.

Ang kapahingahan, kailanma'y di ko naging kaibigan. Kapayapaan ng isip ay malayo sa hinagap, kapanatagan ng kaluluwa'y di maabot na pangarap. At ang hangaring pagkalma ng balisang katawan, tila mananatiling isang mapait na hangaring magsisilbing sunong sa walang katapusang paglalakbay.

Manhid man ang mga binti ay patuloy akong lalakad. Pagod man ang mga paa ay walang tigil pa rin sa paglalakbay. Tuhod ay sugatan, talampaka'y pupog ng kalyo't paltos subalit bawat pagkatalisod ay sayaw sa ritmo ng sanlibutan at bawat patak ng dugong bumubukal sa aking galos ay siyang didilig sa lupang aking lalakaran.

Ako ang batong kailanma'y di kakapitan ng lumot, butong walang pagnasang tubuan ng ugat. Paglakad ko'y walang kinikilalang oras at panahon, hindi namulat sa dikta ng pagkakataon. Pagka't ang paghakbang ko ang siyang pagkakataon, karugtong ng bawat kong hininga, katugon ng bawat kong galaw. Ito ay hindi pamamasyal sa parke, ni malayang paglilibot sa dalampasigan upang makadama ng banayad na hampas ng alon sa kalingkingan. Bagkus, ito ay pagsumpong sa tugon sa mga katanungang bumubugbog sa aking kunsensya at ngumangatngat sa aking dangal. Ito ay paglaya sa kasikipan ng daigdig na aking ginagalawan.

Sapagka't ako'y hindi isang mangingibig kundi manunupil, hindi isang paslit kundi isang ermitanyo na nag-aanyong paslit. Kailanma'y di ako naging banayad, tuwina'y pangahas na mananakop sa loob ng baluti ng kahinahunan, isang dakilang panginoon na walang pagkakakilanlan, salat sa anyo, hungkag sa mapanalaming katangian, dayuhan sa sarili kong mga mata.

Laganap na ang kadiliman at ang lahat ng buhay ay nahihimlay. Kaalinsabay ng pagtagaktak ng pawis sa aking noo at pagpintig ng aking pagal na binti ay lumukob ang isang mabigat na agam-agam sa gitna ngaking paglalakbay – Paano kung ang walang pahinga kong pagtahak at paghahanap sa kasagutan ay isa palang paglayo sa kasagutan ring yaon? Na ang paglakad upang makatuklas at makalayo pala ay kaduwagan at pagtakbo sa katotohanang nag-aalok ng pinakamimithi kong kahulugan?


27 July 2003

sausage

"Ano bang ipinagmamalaki mo?"

Nanlisik ang mga mata ni Melissa. Tumayo siya, pumihit upang harapin si Edward. Animo'y si Gabriela Silang sa nighties na ang itak na nakaamba ay isang plastik na hairbrush. "Iyon nga ang problema e, wala akong maipagmalaki!"

"Pag-aawayan na naman ba natin yan?" iritableng sagot ni Edward na bahagya ring napaurong at nahintakutan sa hairbrush ni Gabriela Silang.

"Bakit hindi? Natatakot ka kasi alam mong wala kang laban?"

"Kung ayaw mo, wag! Hindi yung kung saan-saan mo na naman dinadala ang usapan," pabalang na putol ni Edward sa umiinit pang diskusyong iyon. Sinabayan niya ng hagis ng katawan sa kama, nagtalukbong ng kumot, at namaluktot upang maipamukha kay Melissa na wala na itong audience sa napipinto nitong litanya.

"Hoy! Ang kapal ng mukha mo! Wag mo akong takutin dahil hindi ko kailangan ang titi mo. Mas ipagpapasalamat ko pa ang mga daliri ko kesa dyan sa titi mong parang sausage."

Naningkit ang mga mata ni Melissa at umalon ang mga kunot sa noo sa labis na galit. Ipinukol niya ang hawak na hairbrush sa asawa. Ni hindi man lamang umimik ni kumislot ang huli mula sa pagkakabaluktot nito, na siyang lalong nagpataas ng kung ilan pang sentigrado sa dugo ng una.

Padabog ding inihagis ni Melissa ang katawan sa kama upang sadyang mayugyog ang nagtutulog-tulugang asawa at namaluktot din siya patalikod dito.

Hindi siya mapakali sa labis na bigat ng kalooban gayunma'y hindi rin gumagalaw o umiimik kahit na gaputok man lamang si Melissa, na maaaring ipagkamali ni Edward na akto nya ng pagpapansin.

Pinakiramdaman ni Melissa ang asawa. Wala pa rin itong kagalaw-galaw kahit konti na maaaring tugunan ng uga ng kama. Gusto sana niya itong lingunin para malaman kung tulog na (at para makapag-unat-unat nang konti dahil nangangalay na rin siya sa ganoong posisyon) pero nanaig ang pride niya. Ayaw niyang magmukha siyang nagpapapansin.

Maya-maya'y nagsimulang gumalaw ang kama. Yumugyog. Nilingon ni Melissa si Edward. Yumuyugyog, umuuga sa regular na ritmo si Edward katugon ng pag-indayog ng braso. Sa isang iglap, narating ng dugo ni Melissa ang boiling point, sapat na upang makaluto ng sausage.

decades

"Type ko yung kasama mo."

"Ha?"

"Sabi ko, type ko yung kasama mo!"

Lumingon ako sa kaliwa - babaeng matangkad, sexy, at may kasayaw na lalaking kalbo na mas matangkad sa kanya. Sa kaliwang likuran ko, isang lalaking guwapo at maskulado na may kasayaw ring lalaking guwapo at maskulado. Lumingon ako sa kanan ko, isang babaeng mga disi-sais anyos na may kasayaw na dalawa ring babaeng halos kaedad nya. Sa kanang likuran ko, isang babaeng nakatayo lang at palinga-linga. Sa likuran ko, hindi ko malingon.

"Mag-isa lang ako. Wala akong kasama."

"Talaga? Ako rin e," saka ka humalakhak ng buong lutong sa sumapaw sa ingay ng Decades na yumayanig sa pundasyon ng Timog.

"Bakit mag-isa ka lang? Bading ka ba?" Hinintay kong humalakhak ka ulit, pero tumungga ka lang sa bote ng San Mig Light na hawak mo saka ka yumugyog na alanganing sayaw at alanganing kumbulsyon sa saliw ng techno. Nainsulto ako.

"Bakit? Bading lang ba gumigimik nang mag-isa?"

"Hindi. E ano ka, callboy?" Kaswal ka lang at patuloy ka pa ring nagpapatianod sa marahas na indayog ng tugtog.

"Bakit? Callboy lang ba gumigimik nang mag-isa?"

"Hindi, mga bading saka mga callboy," saka mo ako tinitigan nang pailalim at hinawi mo pa nga ang mga hibla ng buhok mo na nagdidikit-dikit na dahil sa pawis upang makita mo ako nang maayos. Tinitigan din kita. Pormal ako, nakasimangot. Wala ka pa ring tigil sa pag-indayog.

"Bakit ikaw, mag-isa ka lang din, babae ka pa naman?" May idadagdag pa sana ako pero mas minabuti ko na lang na huwag ituloy. Sabi ko, lasing ka lang.

"E pokpok ako e." Telepathic ka pala. Dinugtungan mo pa, "Pokpok ako, hindi puta." Hindi mo na naman dinugtungan yon ng halakhak.

"Yuppie ka ano?"

"Nope. Hiphop ka ano?"

"Gago, may hiphop bang may ganito?" Saka mo inilawit ang dila mo. Naglaro ang laser lights ng club sa metal piercing mo. At bago mo pa nabawi ang dila mo, nakipaglaro na rin ang dila ko sa metal piercing.


14 feb 2005
monday
about 7 pm

panty

"Anak, baka nagugutom na kayo, maghapunan na kayo ni Cocoy diyan."

"Nay, wala na po si Cocoy. Umuwi na po."

"Ganun ba? Aba'y bakit hindi man lamang nagpaalam?"

"Akala po kasi namin natutlog na kayo e. Ayaw naman po naming maabala pa kayo."

"Hindi. Nakahiga lang ako. Mangyari'y masakit na naman ang rayuma ko sa paa't di na naman ako makalakad."

"Ay, magpahinga na kayo nay. Kayo ba, kumain na po ba kayo?

"Oo, kanina pa. Nandun ang ulam sa paminggalan. Initin mo na lang. Mahirap na, baka kainin na naman ng pusa pag iniwan ko sa mesa. Aba'y yung daing na bangus na bigay ni Mareng Rosie kahapon, iniwan ko lang sandali sa mesa para bumili ng suka ke Mareng Nita. Akalain mong pagbalik ko'y naabutan ko nang kinakain ng lintek na pusang iyon. Kung di lang dahil sa rayuma ko'y naabot na naman sana siya ng palo ng walis ko. Ke sarap pa naman ng daing na iyon, hindi makati sa dila, maganda'ng pagakakabilad. Nga pala, si Cocoy ba yung narinig kong inuubo kanina?"

"Opo, may sinat nga po e."

"Kawawa naman ang batang iyon, ke bait pa naman. Sa lahat nang naging manliligaw mo'y siya lang ang humahalik sa akin e. Pakiramdam ko tuloy e bata pa ako. Hehe. At pati ako'y binibigyan ng sokolate't bulaklak."

"Tuwing pumupunta nga po dito yun e laging kayo ang unang hinahanap."

"Magaling ding dumiskarte ang loko ano? Alam niyang ang ina muna ang dapat ligawan para mapasagot ang anak. Hehe. Nga pala anak, paki-silong mo muna nga ang panty ko't baka mahamugan pa."

"Maya-maya na po nay. Pagkatapos na po ng Mara Clara."

"Ngayon na't baka mahamugan pa'ng panty ko. Mahirap na."

"Mamaya na po. Nanonod pa ako e."

"Ano ka bang bata ka? Diyan lang naman sa labas yon e. Lalabas ka lang nang konti't aabutin mo sa sampayan."

"Hindi naman ho mawawala ang panty nyo sa labas e."

"Aba't ang lintek na batang ire't. Alam ko namang walang kukuha nun e. Yung iniintindi ko lang ay baka mahamugan yun at magkasakit pa ko."

"Nay, di po totoo yun. Wag kayong magpapaniwala dun. Mag-yi-year 2000 na po. Kasabihan lang yun ng matatanda sa una."

"Ano bang di totoo? Sige nga. Bakit si Mareng Cora? Ugali nung iwang nakababad magdamag ang mga pasador niya sa kulahan. Saka yung mga panty nya, hinahayaan niyang mahamugan sa sampayan. Hayan tuloy, naoperahan sa matris. Ang mangyari'y tinubuan daw ng maliliit na bukol. Aba'y di rin kukulangin ata sa singkwenta mil ang nagastos ni Mareng Cora dahil dun, balita ko."

"Hay naku, nay. Ang sabihin nyo, matagal nang may sakit ang tao't ngayon na lang napuna. Sabi ng titser ko sa Science, mga kimikal daw sa pagkain ang sanhi ng mga bukol na katulad nun."

"Ano bang kimikal sa pagkain e ke sarap ng kinakain ni Mareng Cora't sagana pa siya sa bitaminang pinapadala ng anak niyang nars sa isteyts. Ang pamangkin niyang si Laura'y ganoon din ang nangyari a, naoperahan din dahil sa bukol sa matris. Mahilig din yung magpahamog ng panty sa sampayan. O sige nga?"

"Nagkataon lang po yun."

"Ano bang nagkataon? Basta, isilong mo na yung panty ko't mahamog na. Aba'y kung hindi lang masakit ang rayuma ko'y kanina ko pa kinuha yon."

"Heto na nga po't kukunin na."

Makalipas ang disi-otso minutos.

"O, bakit ang tagal mo?"

"Nay, wala namang panty dun e."

"Ano bang wala e dun lang nakasampay yon? Nagmamadali ka na naman kasi sa telebisyon e."

"Wala nga pong nakasampay dun kahit isa. Wala ring naka-kula. San nyo ba isinampay kasi?"

"Aba'y e di sa sampayan. Isa lang naman ang sampayan natin a. Tingnan mo uli, hanapin mo uli. Baka hinangin lang yon at nahulog."

"Wala nga po. Hinanap ko na sa paligid. Wala sa kulahan, wala sa mga halaman. Umabot pa nga po ako sa labas ng tarangkahan at dahil baka kako nalaglag at tinangay ng pusa, pero wala talaga."

"Aanhin naman ng pusa ang panty ko? San naman mapupunta yun e wala namang kukuha nun? Naku, nahamugan na'ng panty ko."

Samantala, nakauwi na si Cocoy sa bahay nila. Kasalukuyan siyang nakahiga sa kama at may kayakap na panty. Hindi na magiging mahamog ang mga gabi ni Cocoy.


16 feb 05
wednesday

ang misteryo sa loob at labas ng kumot

sa labas ng kumot...
   near...far...wherever you are
   i believe that the heart does go on
   we'll stay forever this way
sa loob ng kumot...
   ooohhhh...
   aaahhhh...
   syet! hayan na! malapit na ko, hon!
   t-teka...sabay tayo...sab...
   hayan na! aaahhh...
sa labas ng kumot...
   honey, nagugutom ako. ibili mo naman
     ako ng mangga. sige na, honey.
sa loob ng kumot...
   ngorkkk! zzzzz...
sa labas ng kumot...
   misis, malapit na. konting iri na lang.
     konti pa. kon...
   honey! honey! sandali na lang. konting iri na lang.
     honey?
sa loob ng kumot...
   tangina!
   uhaaaa!
sa labas ng kumot...
   congratulations, mister, it's a...
   uhaaa!
   honey! honey! hon...
sa loob ng kumot
   ...


01 oct 04
friday
8.20 pm

ang matinik na magnanakaw

Simple lang akong tao. Tulad ng mga palaboy sa daan, lagi rin akong laman ng kalsada, kasi isa rin akong palaboy. Simple lang akong magdamit dahil ang tanging damit na pag-aari ko ay ang mga retasong nakabalot sa katawan ko.

Simple lang nga ako pero di hamak na mas kilala ako ng mga tao rito kesa sa sapatero, sa sastre, o kaya'y sa kura paroko naming nangingintab ang tuktok. Sikat ako dahil pangkaraniwang tanawin na ang pagmumukha ko sa bayang ito tulad ng pagmumukha ng mga tsismoso't tsismosa rito na tuwina'y nakikita kong nangakatumpok na para bang mga bubuyog na tuwang-tuwa dahil sa pagkaamoy ng sariwa at manamis-namis pang namumulaklak na iskandalo. Sabagay, ano nga ba naman ang makakatalo sa pagkainteresante at kasabikang dulot ng pagkahalukay ng pribadong buhay ng isang tao, lalo na ang kabulukan nito. Puwede mo pa itong gamitin para matakpan ang sarili mong baho. Para bang baul na sanlibong taon nang nakabaon na di sinasadya mong nahukay. Siyempre, sabik ka dahil tiyak mong kung ano man ang laman nito ay bago sa paningin mo. Pagbukas mo, mga maskara lang pala ang laman. Iba't ibang klaseng maskara at puro pangit. May pula, may itim, may mukhang butiki, may mukhang baboy. Pero sabik ka pa rin dahil alam mong magagamit mo ito. Eh kasi, mas pangit ang maskarang suot mo.

Simple lang ako at simple lang ang kaligayahan ko – ang kumain at kumain at kumain. Aba, kailangan ko yatang mabuhay. Kadalasan, ayaw nila akong limusan. Napipilitan tuloy akong magnakaw. Minsan ay damit, alahas, o kahit na anong maibebenta. Matalino ako. At matinik. Wala pang nakakahuli sa akin sa aktong pagnanakaw. At siyempre, para hindi mapaghinalaan ay sa kabilang bayan ko ibinebenta ang anumang makakamkam ko at ibibili ko agad ng pagkain. Iyon lang ang kaligayahan ko eh. Pera? Naku, hindi ko masikmura ang makapagnakaw noon. Ayoko.

Pero kahit na gaano ako katinik sa pagsalisi sa mga biktima ko ay alam kong naroroon pa rin ang paghihinala sa akin ng taong-bayan. Sa liit ba naman ng bayang ito. Kapag nanlilimos nga ako ay agad nila akong itinataboy, minsan minumura pa. Yung iba, talagang lantaran na kung tawagin akong magnanakaw. Pero hindi nila ako maipapakulong dahil matinik yata ako. Wala silang sapat na ebidensiya na ako nga talaga ang magnanakaw. Hindi bale. Ilang araw na lang at lilipat na ako sa kabilang bayan. Konting panahon na lang. Ayoko na rito.

Araw-araw ay lalong tumitindi ang usapin tungkol sa mahiwagang kawatan dahil araw-araw ay paubos nang paubos ang mga gamit ng taong-bayan. Ultimo tinidor na gawa sa tanso ay hindi raw pinatawad. Araw-araw ay pasarap naman nang pasarap ang kinakain ko. Araw-araw din ay lalong dumarami ang mapanuring mata at makakating dila na kinakaharap ko. Hanggang sa dumating ang araw ng paghuhukom. Akala ko, katapusan ko na.

Matinik ako pero isang araw ay nakalimutan ko yatang matinik ako. May nakahuli sa akin sa aktong pagnanakaw ng pinggan na gawa sa pilak. Hindi ko na ikukuwento kung paano ako nahuli o kung sino ang nakahuli sa akin. Ano ako, sira? Aba, hindi ko yata ipagkakalat ang katangahan ko. Pero iyon ang dahilan para umakyat sa rurok ang katanyagan ko.

Kinaladkad ako ni hepe (isa sa ninakawan ko ng tatlong tandang, sampung kutsarang pilak, isang kumot, at isang pipang gawa sa ginto)patungo sa liwasan. Kasunod siyempre ang mga taong bayan. Lahat sila – bata, matanda, babae, lalaki. Bitbit pa ng mga ina ang kanilang mga sanggol. Siyempre kailangan nilang makita ang pinakasikat na tao sa buong bayan. Sayang, wala si kalbo. Nakita sana niyang mas sikat ako sa kanya.

Halos mamatay ako sa pagkaladkad sa akin ni hepe. May mga sumisipa sa akin, sumusuntok, pumapalo, dumudura. Nagmistula akong isang hayop na nakakadiri. Awang-awa ako sa sarili ko. Napapaiyak ako sa labis na pagkahabag sa sarili ko. Walang kaibigan, walang makain,pinandidirihan, kinasusuklaman. Napadaan kami sa simbahan. Napatingin ako sa tuktok nito kung saan nakatayo ang krus na gawa sa ginto na noon ay may kakaibang kinang. At sa gitna ng mga luha ko ay naisip ko – aba, malaki rin ang halaga ng krus na iyon. Matatawaran rin nang malaki-laki.

Pagdating sa liwasan ay iginapos ako ni hepe sa poste. Hinang-hina ako pero may natitira pa rin akong lakas. Pakiramdam ko ba ay isa akong baboy na matapos palu-paluin at gilitan ay igagapos para ialay. Ang mga tao, hindi magkamayaw. Napakaingay. Puro mura, sigaw at pagkasuklam ang naririnig ko. Mayroon ding mga nambabato. At yung mga tsismosa, bilib na bilib sa sarili nila at taas-noo. Tuwang-tuwa dahil tama raw ang kutob nila na dili iba't ako ang magnanakaw.

Pinayapa ni hepe ang taong-bayan sa pamamagitan ng kumpas ng kamay niya. Nilapitan niya ako at tinanong kung ano'ng pangalan ko. Hindi ako sumagot. Totoo raw bang ako ang magnanakaw. Hindi uli ako sumagot. Sumagot ang taong-bayan. Siyempre oo ang kasagutan nila. Muli na namang nagkagulo. Tinanong uli ako ni hepe kung ako nga raw ang magnanakaw. Hindi uli ako sumagot. Mahirap na. Baka madulas pa ang dila ko. Sumagot na naman ang mga taong-bayan at muling nagkagulo. Naubos na ang pasensiya ni hepe. Tinanong niya ang taong-bayan kung ano raw ba ang gusto nilang iparusa sa akin. Ngayon, talagang nabulabog ang mga tao. Parang mga gutom na itik na sinbuyan ng kuhol.

Kamatayan ang inihatol nila sa akin. Pugutan daw ako ng ulo. May sumagot. Kulang pa raw ang ulo bilang kabayaran sa mga ninakaw ko. Putulin rin daw ang mga kamay ko. May sumagot uli. Isama raw ang mga paa ko. Naku, ano pa kaya?

Talaga namang natakot ako. Hindi ko alam ang gagawin ko. Sa gitna ng kaguluhan ng mga tao ay sumigaw ako nang ubod-lakas. Sinabi ko sa kanila na kung papatayin nila ako ay hindi nila malalaman kung saan nakatago ang mga kayamanang ninakaw ko. Natahimik ang lahat na para bang nag-iisip. Tinanong ako ni hepe kung saan nga ba nakatago. Aha, eh di nahulog kayo sa bitag ko. Aba, matinik yata ako.

Hindi ako sumagot para pasabikin ang mga tao. Muli akong tinanong ni hepe pero binago niya ang katanungan. Anu-ano daw ba ang mga kayamanang iyon. Marami, sagot ko. Mga mamahaling alahas, mga diyamanteng sinalalaki ng butil ng mais, mga gintong kutsara, mga pinggang pilak, at kung anu-ano pang mamahaling bato. Nanlaki ang mata ng mga tao at napanganga si hepe. He..he..naglalaway. Sumagot naman ang isa sa mga taong-bayan. Kanya daw ang mga diyamanteng iyon na ninakaw ko. Sumagot ang isa pa. Kanya naman daw ang mga gintong kutsara.

Muling nagkagulo ang mga tao. Kanya-kanyang angkinan ng mga gamit kahit hindi totoong kanila. Pati ang batang walang muwang, nakiki-angkin. Kanya daw iyong kending nakabalot sa gintong supot. Aba, may binanggit ba akong kendi? Mas marami pa yata silang inangkin kaysa sa sinabi kong kayamanan. Ang iba nga ay nagsasabunutan na at nag-aaway dahil sa pag-aangkin sa kayamanang hindi pa naman nakikita.

Sa huling pagkakataon ay muli akong tinanong ni hepe kung saan nakatago ang kayamanan. Muling natahimik ang taong-bayan. Wala kang maririnig kundi mga paghahabol ng hininga sa labis na kasabikan. Halos bumaha ng laway dahil nakanganga lahat ang mga tao. Tuwang-tuwa ako sa mga hitsura nila, lalo na kay hepe na nangangatog na ang tuhod. Sayang wala si kalbo. Awang-awa ako sa mga tao sa pagkasabik nila sa kayamanan. Mas masahol pa sila sa akin.

Pumayag akong sabihin kung nasaan ang kayamanan sa isang kundisyon. Palalayain nila ako. Siyempre, payag sila. Alangan namang ipagpalit nila ang kayamanan sa isang tulad ko. Ano naman ang mapapala nila sa akin?

Tinanggal ni hepe ang pagkakagapos ko at ipinagtapat ko naman ang kinaroroonan ng kayamanan. Sa paanan ng punong mangga, sa tabi ng simbahan ito nakabaon. Nilaliman ko kako ang baon para hindi agad makita. Malalim na malalim.

Sa isang iglap ay naubos ang mga tao sa liwasan. Naiwan akong mag-isa. Hindi magkamayaw ang mga tao. Naroong madapa, mangudngod at mayapakan. Mayroon pang nagkasuntukan at nagka-away-away sa labis na pagmamadali. Lahat ng tao ay naroon sa tabi ng simbahan, sa puno ng mangga at naghuhukay. Lahat. Buong araw silang naghuhukay para sa kayamanan. Halos mabunot ang pundasyon ng simbahan na nadamay sa hukayan. Patuloy pa rin ang awayan, tulakan, at hampasan ng pala sa pag-uunahang mapasakanya ang gintong kutsara o kaya'y ang pilak na pingggan. Lumubog ang araw. Umuwi ang mga tao sa kani-kanilang bahay na may dalang pasa, bugbog, sugat at kalyo. Sa kabuuan ay mayroong 18 na nasugatan at isang namatay nang madaganan ng nabuwal na punong mangga. Lalong nanlata ang mga taong-bayan nang pag-uwi nila sa kani-kanilang tahanan ay nadatnan nilang simot ang kanilang natitira pang gamit at alahas.

At ako, heto sa malayong bayan. Halos lumawit nga ang pusod ko kakakain ng hamon, tinapay, keso, at kung anu-ano pa. Simple lang ako eh. Pero matinik. Sa kanila na ang pera nila. Lamunin nila ang pera nila. He, he.

ang bulag

Linggo, tiyak na maraming magsisimba niyan kaya't maaga pa lamang ay naroon na siya sa labas ng simbahan, sa tabi ng matandang ale na nagtitinda ng kandila. Nakatayo siya sa tulong ng isang tungkod na tila sanga ng punong bayabas o kaymito, naka-shades, at ang damit – isang makutim at marusing na sandong halos di na makilala ang tunay na kulay dahil sa nananahang alikabok at putik na natuyo. Halos matino pa ang basahan sa amin at kulang na lang ay habulin siya ng karayom at sinulid. Gusto ko sana siyang tanungin kung bakit naisipan pa niyang magdamit gayong hindi na nito kayang ikubli ang mga kuwerdas niya sa katawan dahil halos mga sinulid na lang na pinagbuhol-buhol ang suot niya kung tutuusin. Ang shorts niya, pantalong maong na pinutol hanggang tuhod. Siguro ay siya ang pumutol dahil mas maigsi pa ang kaliwang binti ng shorts kaysa kanan. Hindi rin ito nagpapahuli sa kasagwaan sa kanyang sando. At ang puwitan, may tapal na pulang tela dahil marahil sa pagkasabit sa pako o dili kaya'y nagasgas na hanggang sa mabutas ang shorts na iyon dahil sa kalumaan. Hmm… sino kaya ang tumahi?

Sa humpak na humpak na mukha (na animo'y bungo) at kapayatan, idagdag pa ang madilaw na medyo malibag niyang kulay ay talaga namang maaantig ka't mapipilitan kang maghulog sa lata ng tunang dala niya ng kahit na singkong duling. Pero ako, parang gusto ko siyang limusan ng sabon o kaya'y pabango.

Pormal na pormal ang mukha niya at parang laging nakikiramdam. Siguro, nakikiramdam at nagpapakalisto dahil baka biglang may dumampot ng lata niya at bigla na lamang itong itakbo, tulad ng nangyari sa pilay na biglang nakatakbo na ala- Lydia de Vega nang habulin niya yung nanguha ng lata niyang may lamang mga limos. O baka naman pinakikiramdaman niya ang bawat kalansing ng barya sa limusan niya at tinataya kung nakakamagkano na siya.

Iba-iba ang reaksiyon ng mga nakakapuna sa kanya. Pero ang karamihan, dedma. May babaeng naparaan. Sa porma ay di maitatangging sosyal dahil sa moderno niyang pananamit at pa-Ingles-Ingles pa. O siguro nagpapaka-sosyal lang dahil parang yung suot niya ay kahawig nung nakita ko sa kabilang bangketa na binebenta nang P 120. Pagkakita niya sa pulubi ay ito lang ang nasabi niya: "Yuck! Kadiri! Very stinky! Hoy, mag-work ka. Huwag yung nanlilimos ka riyan. Kay laki ng katawan mo e. Pabigat kayo sa lipunan!" sabay hulog ng dalawang tig-pi-piso sa lata ng pobre. Nagpasalamat ang pulubi kahit na masama ang loob sa sermong inabot.

Maya-maya ay may nagdaang tatlong tin-edyer na puro lalaki.

"Pare, totoo kayang bulag yan?" tanong ng isa.

"Pare, kunin natin ang pera para malaman natin, " hamon naman ng ikalawa. Kahit na mahina ang pagkakasabi ng binatilyo ay umabot pa rin ito sa pandinig ng bulag kaya't umamba ito ng padampot sa kanyang limusan at saka pinagpawisan nang malapot.

"Maawa naman kayo sa pulubi!" pagtatanggol ng ikatlo.

Nakunsensiya yata ang dalawa at umalis na lamang. Medyo lumabnaw ang pawis ng bulag tt nakahinga-hinga nang maluwag.

Walang anu-ano'y biglang nagkagulo. Narinig ang silbato ng pulis kasabay ng mga sigawan at panakbuhan. Nangagtaob ang mga bangketa ng damit, pekeng alahas, at mga yosi't kendi. Nagkalat sa sidewalk at napagyayapakan ang mga tarot cards ng mga manghuhula, mga ugat at halamang gamot na galing pa raw sa Mt. Banahaw at mga medalyon at gayumang nanggaling naman raw sa Egypt. May hampasan ng batuta at iyakan. Nakita na lamang ang isa sa mga sidewalk vendors na nakaposas at bitbit sa kamiseta ng isa sa mga parak. Nakitakbo na rin patakas ang pulubi, dala ang lata. Naroong mabangga siya, matisod at halos madapa, may mahampas ng tungkod. Mahirap na, baka mahuli pa siya ng parak. Siguro hindi na naman nakatikim ng lagay.

Naglakad ang bida hanggang sa makarinig ng busina ng sasakyan. Halos malulon niya ang dila niya sa gulat at lumabas ang utak niya sa tenga sa lakas ng busina na sinundan pa ng: "Hoy! P… ina ka. Kung magpapakamatay ka, huwag mo akong idamay. Titingnan mo'ng nilalakaran mo!" , sabay sagitsit ng gulong hanggang sa humarurot ang kotse ng mama. Paanong makakakita ay bulag nga! May naawa, lalaking halos ka-edad niya, mga 35 anyos. Inihatid siya sa pagtawid sa daan. Siguro dating boy scout.

Lakad na naman siya sa pangunguna ng tungkod habang hawak ang limusang may lamang barya.

"Ay, bastos!" sigaw ng aleng mataba, sabay hampas ng payong na dala sa pobreng bulag at sinabayan ng layas dala marahil ng kahihiyang inabot nang masundot ng baston ng bulag ang kanyang palda at nalilis hanggang makita ang bloomer. Dahil sa palong tinamo ay nabitiwan niya ang limusan at sumabog ang barya, naggulungan sa iba't ibang direksyon. Ang kalansingan ng sumabog na barya ang nagsilbing hudyat upang magtuwaran ang mga nagdaraan at magkanya-kanya ng dampot ng pera. May ibang sadyang napakabuti at isinauli ang barya sa pulubi matapos makapamulot. Mayroon namang pasimple, tatapakan ang barya, kunwa'y magtatali ng sapatos at, swak! Instant P2 sa bulsa! Sayang, pang-yosi din.

Lakad na naman ang bulag. Halos nangalahati ang barya niya dahil sa pagkatapon. Pero ligtas na ngayon ang natitira sa bulsa niya. Huminto siya sa tapat ng bilihan ng dyaryo, bumili ng isa. Siguro ay may nagpapabili. Umupo sa isang sulok na walang makakakita, ibinaba ang tungkod pero naka-shades pa rin. Binuksan sa pahina kung saan matatagpuan ang column ni Xerex Xaviera.


27 March 1997