Saturday, September 10, 2011

subok lang

Ngayong araw na ito, sinubukan kong salubungin ang umaga nang bukas ang mga mata. Saka ko lamang napansin na ang mga sinag pala ng araw na naglalagos sa kurtina ng aking bintana ay hindi marahas na liwanag na pilit tumutungkab sa nahihimbing ko pang mga mata, bagkus ito'y mga mumunting gintong tulay kung saan nagpaparoo't parito ang mga mapaglarong duwende. Hindi ang mahapding sinag ng araw ang humalik sa aking balat kundi init ng pagbati ng isang magandang umaga.

Sinubukan kong ngitian at halikan ang aking ina na nang mga oras na iyon ay abala na sa pagluluto ng agahan. Sabi niya sa akin, ano daw ba ang nakain ko. Sabi ko, wala pa, kakain pa lang.

Kaya't sinubukan kong tikman ang mainit na champorado at malutong na tuyo na karaniwan nang inihahain ng aking ina sa agahan na karaniwan ko na ring itinatakwil sa ngalan ng pancakes ng jollibee o kaya'y ng mc omelette ng mcdo. Hanggang sa ang tikim na iyon ay naging madibdibang kain, at ang kain ay nagmistulang pakikipagniig sa champorado at tuyo. Sino ang mag-aakalang ang abang hain na ito ay singsarap pala ng piging na angkop sa isang hari?

Bago ako lumabas para tugunin ang hamon ng maghapon ay sinubukan kong humarap sa salamin at ngitian ang sarili kong repleksyon. At sinabi ko sa kanya, "ito'y magiging isang magandang araw". "Tiyak yun", sagot niya.

Sa dyip patungo sa opisina, sinubukan kong iabot sa drayber ang pasahe ng katabi ko, di tulad dati na nagtutulug-tulugan ako o kaya'y nagbibingi-bingihan. Sinabi ko sa sarili ko na isa itong simpleng paraan upang makatulong ako sa kapwa ko. Kumbaga, ito ang modernong bayanihan.

Buong giliw na nagpasalamat ang katabi ko (isang babaeng naka-pang-opisina). Hindi ko alam kung bakit pero parang ang "salamat" na iyon ang pinaka-sinserong katagang narinig ko sa matagal na ring panahon.

Saka ko napansin na maganda pala ang babaeng katabi ko - maputi, makinis, mapungay ang mga mata at mapupula ang mga labi. Animo'y isang buhay na imahe ng birhen mula sa istampita. Di man siya magsalita ay batid mong ang kanyang tinig ay sinlamyos at singbanayad ng sa anghel.

Sinubukan kong magpakilala sa kanya. Tinangka kong iabot ang aking palad upang makipagkamay at binati ko siya ng isang magandang umaga. Wala namang masama doon, sabi ko sa sarili ko bilang pampalakas ng loob.

Tinitigan ng buhay na imahe ng birhen mula sa istampita ang iniaabot kong kamay. Tinitigan niya nang matagal. Matagal na matagal. Saka siya bumunghalit ng tawa. Malakas. Malakas na malakas.

Ang malamyos at banayad na tawa ng anghel ay naging halakhak ng isang demonyo, halakhak ng isang demonyong nasa loob ng malalim na balon, umaalingawngaw, nakayayanig. At ang buhay na imahe ng birheng mula sa istampita, nag-iibang anyo. Tinutubuan ng mahahaba at mala-talahib na balahibo ang maputi at makinis niyang kutis. Ang mapupungay niyang mga mata, nanlilisik, umaapoy na tila pugong sagana sa susog ng dayami. At ang mapupulang labi, pinangingibabawan ng matatalim na mga pangil at pinaglalawa ng bumubulang laway.

Nag-usbungan ang butil-butil na pawis sa aking balat at nanginig ang aking mga laman dahil ang mga pasahero ng dyip, pati na ang drayber, ay nagkokoro na rin sa paghalakhak.

Sinubukan kong pumikit, huminga nang malalim, bumilang, pigilan ang pagsingaw ng aking mga mapaminsalang emosyon. Subalit ang singaw, kapag iyong pinipigilan ay magsasanhi lamang ng presyur na nagtataglay ng daang beses na mas mapaminsalang puwersa.

Kaya't naramdaman ko na lamang na tumama ang aking nanginginig na kamao sa panga ng buhay na imahe ng birheng naging demonyo. Lumikha ito ng paglagutok ng panga ng demonyo at pagsabog ng bumubulang laway. Pagkatapos ay dumako ang aking mga kamay sa mahaba niyang buhok, dinaklot ang mga hibla, kinaladkad ang demonyo sa sahig na nang mga sandaling iyo'y tila buhay na imaheng mula sa bote ng hinyebra, at saka ko siya inihulog mula sa sinasakyang dyip na humaharurot.

Napasigaw ang mga pasahero dahil sa nasaksihan. At ako naman, napahalakhak nang buong lakas - tila halakhak ng demonyong nasa loob ng malalim na balon. At hindi ko sinubukang pigilan iyon.



20 april 05
wednesday
11.20 am

No comments:

Post a Comment