Ito lamang ang una at siguradong siyang huli na ring pagkakataon para masilayan niya kahit na anino man lamang ng kanyang idolo. Nagsimula nang mabulabog ang mga nakapaligid sa kanya, naging balisa, naging malikot kasabay ng mabilisang pagbubuntis ng tensiyon at pananabik na nagluwal ng tulakan at siksikan upang makaabante sa unahan, sa tabi ng rehas na bakod na siyang naghihiwalay sa idolo at mga tagahanga. Namimilipit ang mga leeg at nagtitingkayaran ang mga sakong. Siya, palibhasa'y may kabansotan at kapayatan ay nagsa-ahas sa paggapang at paglagos sa pagitan ng mga binti at hita, di alintana ang amoy ng pawis, singit at puwit at ang mga yapak ng maruruming sapatos na halos dumurog sa mabuto at mahahaba niyang mga daliri sa kamay.
Kaalinsabay ng pamimilipit niya sa sinsinang pagitan ng mga binti ay ang pag-igting ng daluyong ng ingay na una'y mga malalakas na bulungan at impit na kilig at bungisngis lamang hanggang sa maging nakatutulig na sigawan at hiyawan at palasak na papuri sa pangalang "Ate Guy", ang alon ng admirasyong agarang nagtangay sa kanya sa unahan ng lupon. Lamang, nang marating niya ang destinasyon, ang mga tilian ay napalitan ng malulutong na halakhakan at ang mga palasak na papuri ay naging palasak na pangungutya. Ang nasilayan niya - si "Ate Gay" - parehong nunal, parehong kilos, parehong mukha, magkaibang kasarian.
Sa kabila ng bugbog, pasa, at paltos sa paa at kasangsangan na kanyang tinamo sa pakikipagsiksikan ay uuwi pa rin siya sa probinsya na may ngiti sa labi at may kasiyahan sa puso. Nasulit ang kanyang pamasahe paluwas ng Maynila, pamasaheng binuo ng mga baryang kanyang tinipon kapalit ng ilang umagang di pag-aagahan, upang makita lamang ang kanyang idolong si Ate Guy. At di siya nabigo. Sigurado siya, si Ate Guy iyon.
03 april 05
sunday
No comments:
Post a Comment