tanginang drayber to. masyadong ma-angas magmaneho. ano ba'ng gusto niyang palabasin? akalain mong magkasya kaming lahat sa unahan ng dyip at nabakante ang hulihan dahil sa walang ka-abog-abog niyang pagpreno. samantalang kanina, ipit na ipit na ang bayag ko, tapos kalahati lang ng puwit ko ang nakakapit sa upuan sa sobrang sikip.
"hoy, papakamatay ka ba?!"
dinaig ng pagkausyoso namin ang kagustuhan naming bigyan ng tig-iisang batok ang drayber.
"sori, di ko napansin e," sagot ng isang mahinahong tinig ng babae na sa pakiwari ko'y may bahid ding hinananakit. sa muling pag-usad ng dyip na bumalik sa dating siksik ay nagpahabol pa ang babae ng isang "salamat" sa tonong sa palagay ko'y dapat sana'y pakutya pero lumabas na bukal sa loob niya. tinanaw ko ang babae, sampu ng ilan ding mga mapang-usisang ulo na lumawit sa dyip, at nahagip ng mga mata ko ang papaliit na silhoutte ng babaeng medyo may katabaan na unti-unti na ring umaanib sa dilim ng gabi sa pag-usad ng sinasakyan namin.
hindi pa gaanong nakakalayo ang dyip nang muling bulabugin ang aming pagkausisero ng isang mahaba at nakabibinging busina na may kakabit na ngitngit ng gulong sa madulas na kalsada. muling naglawitan ang mauusisang ulo patungo sa direksyon ng matabang ale at ang tanging naroroon ay ang silhouette ng isang trak na nakabara sa makitid na kalsada na unti-unti na ring inaangkin ng gabi sa patuloy na paglayo ng aming sinasakyan, maliban sa tirik nitong headlights na pilit ayaw pasakop sa dilim.
No comments:
Post a Comment