Saturday, September 10, 2011
ang mananayaw
Hindi siya ordinaryo. May kalakihan nang bahagya. Mga kalahating metro. Ang kanyang talulot ay sinlambot ng sa rosas; kasimpula ng dugo na nababahiran ng mga pulbos na dilaw mula sa mga pollen nito. Ang mga talulot nito'y bukang-buka na para bang sadyang inihahantad ang kanyang taglay na akit. Sa kabila ng mga kakarampot na sinag ng araw na naglalagos sa bahaging iyon ng kagubatan dala ng yabong ng mga nagpapatayugang puno at masusukal na baging ay pinagpala pa ring matapunan ang bulaklak na iyon ng gintong liwanag, na ikinakalat naman ng mga mumunting butil ng hamog na naghilata sa mga talulot nito. Isa itong mananayaw sa matingkad na kasuotan na nagbibigay-buhay sa gitna ng kadiliman ng etablado. Buong kasiyahan nitong nilalasap sa ilalim ng spotlight ang lahat ng papuri ng mga tagahanga at mga tagapanood.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment