Simple lang akong tao. Tulad ng mga palaboy sa daan, lagi rin akong laman ng kalsada, kasi isa rin akong palaboy. Simple lang akong magdamit dahil ang tanging damit na pag-aari ko ay ang mga retasong nakabalot sa katawan ko.
Simple lang nga ako pero di hamak na mas kilala ako ng mga tao rito kesa sa sapatero, sa sastre, o kaya'y sa kura paroko naming nangingintab ang tuktok. Sikat ako dahil pangkaraniwang tanawin na ang pagmumukha ko sa bayang ito tulad ng pagmumukha ng mga tsismoso't tsismosa rito na tuwina'y nakikita kong nangakatumpok na para bang mga bubuyog na tuwang-tuwa dahil sa pagkaamoy ng sariwa at manamis-namis pang namumulaklak na iskandalo. Sabagay, ano nga ba naman ang makakatalo sa pagkainteresante at kasabikang dulot ng pagkahalukay ng pribadong buhay ng isang tao, lalo na ang kabulukan nito. Puwede mo pa itong gamitin para matakpan ang sarili mong baho. Para bang baul na sanlibong taon nang nakabaon na di sinasadya mong nahukay. Siyempre, sabik ka dahil tiyak mong kung ano man ang laman nito ay bago sa paningin mo. Pagbukas mo, mga maskara lang pala ang laman. Iba't ibang klaseng maskara at puro pangit. May pula, may itim, may mukhang butiki, may mukhang baboy. Pero sabik ka pa rin dahil alam mong magagamit mo ito. Eh kasi, mas pangit ang maskarang suot mo.
Simple lang ako at simple lang ang kaligayahan ko – ang kumain at kumain at kumain. Aba, kailangan ko yatang mabuhay. Kadalasan, ayaw nila akong limusan. Napipilitan tuloy akong magnakaw. Minsan ay damit, alahas, o kahit na anong maibebenta. Matalino ako. At matinik. Wala pang nakakahuli sa akin sa aktong pagnanakaw. At siyempre, para hindi mapaghinalaan ay sa kabilang bayan ko ibinebenta ang anumang makakamkam ko at ibibili ko agad ng pagkain. Iyon lang ang kaligayahan ko eh. Pera? Naku, hindi ko masikmura ang makapagnakaw noon. Ayoko.
Pero kahit na gaano ako katinik sa pagsalisi sa mga biktima ko ay alam kong naroroon pa rin ang paghihinala sa akin ng taong-bayan. Sa liit ba naman ng bayang ito. Kapag nanlilimos nga ako ay agad nila akong itinataboy, minsan minumura pa. Yung iba, talagang lantaran na kung tawagin akong magnanakaw. Pero hindi nila ako maipapakulong dahil matinik yata ako. Wala silang sapat na ebidensiya na ako nga talaga ang magnanakaw. Hindi bale. Ilang araw na lang at lilipat na ako sa kabilang bayan. Konting panahon na lang. Ayoko na rito.
Araw-araw ay lalong tumitindi ang usapin tungkol sa mahiwagang kawatan dahil araw-araw ay paubos nang paubos ang mga gamit ng taong-bayan. Ultimo tinidor na gawa sa tanso ay hindi raw pinatawad. Araw-araw ay pasarap naman nang pasarap ang kinakain ko. Araw-araw din ay lalong dumarami ang mapanuring mata at makakating dila na kinakaharap ko. Hanggang sa dumating ang araw ng paghuhukom. Akala ko, katapusan ko na.
Matinik ako pero isang araw ay nakalimutan ko yatang matinik ako. May nakahuli sa akin sa aktong pagnanakaw ng pinggan na gawa sa pilak. Hindi ko na ikukuwento kung paano ako nahuli o kung sino ang nakahuli sa akin. Ano ako, sira? Aba, hindi ko yata ipagkakalat ang katangahan ko. Pero iyon ang dahilan para umakyat sa rurok ang katanyagan ko.
Kinaladkad ako ni hepe (isa sa ninakawan ko ng tatlong tandang, sampung kutsarang pilak, isang kumot, at isang pipang gawa sa ginto)patungo sa liwasan. Kasunod siyempre ang mga taong bayan. Lahat sila – bata, matanda, babae, lalaki. Bitbit pa ng mga ina ang kanilang mga sanggol. Siyempre kailangan nilang makita ang pinakasikat na tao sa buong bayan. Sayang, wala si kalbo. Nakita sana niyang mas sikat ako sa kanya.
Halos mamatay ako sa pagkaladkad sa akin ni hepe. May mga sumisipa sa akin, sumusuntok, pumapalo, dumudura. Nagmistula akong isang hayop na nakakadiri. Awang-awa ako sa sarili ko. Napapaiyak ako sa labis na pagkahabag sa sarili ko. Walang kaibigan, walang makain,pinandidirihan, kinasusuklaman. Napadaan kami sa simbahan. Napatingin ako sa tuktok nito kung saan nakatayo ang krus na gawa sa ginto na noon ay may kakaibang kinang. At sa gitna ng mga luha ko ay naisip ko – aba, malaki rin ang halaga ng krus na iyon. Matatawaran rin nang malaki-laki.
Pagdating sa liwasan ay iginapos ako ni hepe sa poste. Hinang-hina ako pero may natitira pa rin akong lakas. Pakiramdam ko ba ay isa akong baboy na matapos palu-paluin at gilitan ay igagapos para ialay. Ang mga tao, hindi magkamayaw. Napakaingay. Puro mura, sigaw at pagkasuklam ang naririnig ko. Mayroon ding mga nambabato. At yung mga tsismosa, bilib na bilib sa sarili nila at taas-noo. Tuwang-tuwa dahil tama raw ang kutob nila na dili iba't ako ang magnanakaw.
Pinayapa ni hepe ang taong-bayan sa pamamagitan ng kumpas ng kamay niya. Nilapitan niya ako at tinanong kung ano'ng pangalan ko. Hindi ako sumagot. Totoo raw bang ako ang magnanakaw. Hindi uli ako sumagot. Sumagot ang taong-bayan. Siyempre oo ang kasagutan nila. Muli na namang nagkagulo. Tinanong uli ako ni hepe kung ako nga raw ang magnanakaw. Hindi uli ako sumagot. Mahirap na. Baka madulas pa ang dila ko. Sumagot na naman ang mga taong-bayan at muling nagkagulo. Naubos na ang pasensiya ni hepe. Tinanong niya ang taong-bayan kung ano raw ba ang gusto nilang iparusa sa akin. Ngayon, talagang nabulabog ang mga tao. Parang mga gutom na itik na sinbuyan ng kuhol.
Kamatayan ang inihatol nila sa akin. Pugutan daw ako ng ulo. May sumagot. Kulang pa raw ang ulo bilang kabayaran sa mga ninakaw ko. Putulin rin daw ang mga kamay ko. May sumagot uli. Isama raw ang mga paa ko. Naku, ano pa kaya?
Talaga namang natakot ako. Hindi ko alam ang gagawin ko. Sa gitna ng kaguluhan ng mga tao ay sumigaw ako nang ubod-lakas. Sinabi ko sa kanila na kung papatayin nila ako ay hindi nila malalaman kung saan nakatago ang mga kayamanang ninakaw ko. Natahimik ang lahat na para bang nag-iisip. Tinanong ako ni hepe kung saan nga ba nakatago. Aha, eh di nahulog kayo sa bitag ko. Aba, matinik yata ako.
Hindi ako sumagot para pasabikin ang mga tao. Muli akong tinanong ni hepe pero binago niya ang katanungan. Anu-ano daw ba ang mga kayamanang iyon. Marami, sagot ko. Mga mamahaling alahas, mga diyamanteng sinalalaki ng butil ng mais, mga gintong kutsara, mga pinggang pilak, at kung anu-ano pang mamahaling bato. Nanlaki ang mata ng mga tao at napanganga si hepe. He..he..naglalaway. Sumagot naman ang isa sa mga taong-bayan. Kanya daw ang mga diyamanteng iyon na ninakaw ko. Sumagot ang isa pa. Kanya naman daw ang mga gintong kutsara.
Muling nagkagulo ang mga tao. Kanya-kanyang angkinan ng mga gamit kahit hindi totoong kanila. Pati ang batang walang muwang, nakiki-angkin. Kanya daw iyong kending nakabalot sa gintong supot. Aba, may binanggit ba akong kendi? Mas marami pa yata silang inangkin kaysa sa sinabi kong kayamanan. Ang iba nga ay nagsasabunutan na at nag-aaway dahil sa pag-aangkin sa kayamanang hindi pa naman nakikita.
Sa huling pagkakataon ay muli akong tinanong ni hepe kung saan nakatago ang kayamanan. Muling natahimik ang taong-bayan. Wala kang maririnig kundi mga paghahabol ng hininga sa labis na kasabikan. Halos bumaha ng laway dahil nakanganga lahat ang mga tao. Tuwang-tuwa ako sa mga hitsura nila, lalo na kay hepe na nangangatog na ang tuhod. Sayang wala si kalbo. Awang-awa ako sa mga tao sa pagkasabik nila sa kayamanan. Mas masahol pa sila sa akin.
Pumayag akong sabihin kung nasaan ang kayamanan sa isang kundisyon. Palalayain nila ako. Siyempre, payag sila. Alangan namang ipagpalit nila ang kayamanan sa isang tulad ko. Ano naman ang mapapala nila sa akin?
Tinanggal ni hepe ang pagkakagapos ko at ipinagtapat ko naman ang kinaroroonan ng kayamanan. Sa paanan ng punong mangga, sa tabi ng simbahan ito nakabaon. Nilaliman ko kako ang baon para hindi agad makita. Malalim na malalim.
Sa isang iglap ay naubos ang mga tao sa liwasan. Naiwan akong mag-isa. Hindi magkamayaw ang mga tao. Naroong madapa, mangudngod at mayapakan. Mayroon pang nagkasuntukan at nagka-away-away sa labis na pagmamadali. Lahat ng tao ay naroon sa tabi ng simbahan, sa puno ng mangga at naghuhukay. Lahat. Buong araw silang naghuhukay para sa kayamanan. Halos mabunot ang pundasyon ng simbahan na nadamay sa hukayan. Patuloy pa rin ang awayan, tulakan, at hampasan ng pala sa pag-uunahang mapasakanya ang gintong kutsara o kaya'y ang pilak na pingggan. Lumubog ang araw. Umuwi ang mga tao sa kani-kanilang bahay na may dalang pasa, bugbog, sugat at kalyo. Sa kabuuan ay mayroong 18 na nasugatan at isang namatay nang madaganan ng nabuwal na punong mangga. Lalong nanlata ang mga taong-bayan nang pag-uwi nila sa kani-kanilang tahanan ay nadatnan nilang simot ang kanilang natitira pang gamit at alahas.
At ako, heto sa malayong bayan. Halos lumawit nga ang pusod ko kakakain ng hamon, tinapay, keso, at kung anu-ano pa. Simple lang ako eh. Pero matinik. Sa kanila na ang pera nila. Lamunin nila ang pera nila. He, he.
No comments:
Post a Comment