Ina, bakit ka lumuluha?
Dahil ba sa sanggol mong may sakit,
O kaya'y sa kapirasong kartong tagapamagitan sa malamig
na sahig at pagal mong katawan
Dili kaya'y dahil sa nilalangaw na mga butil ng kaning lamig
sa pinggang may lamat -
Hatid ay tila wisik lamang sa umaapoy na sikmura
Dahil ba ito sa kahirapan ng buhay na tila
bloke ng semento na nakatali sa iyong leeg?
Kahit na anong kampay ang iyong gawin ay
patuloy ka pa ring nilulunod sa dagat
ng pagkabalisa at inilulubog ang iyong pag-asa
Ina, bakit ka lumuluha?
Dahil ba sa mga anak na humulagpos sa iyong palad?
Sila mismo ang pumutol sa pusod ng pakikipag-ugnayan
gamit ang talim ng kanilang mga sungay
Hinulma mo sa abakada at tiyaga ang kanilang
kaisipan
Nililok sa magandang halimbawa at pangaral ang puso
Hinabi sa panalangin at sakripisyo ang kaluluwa
Upang sa bandang huli'y ipamukha sa iyong di mo
pa rin taglay ang birtud na makapagtutuwid ng
kanilang kapalaran
Ang una'y binalot ng palara ang kinabukasan at pinuno
ng nakalalangong usok ang natitirang espasyo sa
makipot niyang mundo
Sinakmal ng kristal na halimaw, tinunaw ang natitirang katinuan,
saka itinae bilang isang kriminal
Ang ikalawa'y hinog sa pilit, napitas nang wala sa panahon
sa masukal na eskinita isang gabing walang buwan
Kasabay ng pagbulwak ng dugo ng kawalang-muwang mula
sa murang pagkababae ay ang pagtagas ng kapaitan
at pandidiri sa sarili
Magmula noo'y nagpalipat-lipat sa iba't ibang katawan
Nasa'y makaamot man lamang ng konting init upang
maibsan ang nakangingilong panlalamig -
Panlalamig na dulot ng kahungkagang iniwan ng kainosentehan.
Nais mo silang yakapin subalit sadyang ayaw
nilang pasakop
Gabi-gabi'y sinisisi mo ang iyong sarili kahit di mo
alam kung saan ka nagkamali
Pakiramdam mo'y nagkulang ka kahit ang tanging
nalalabi na lamang sa iyong sarili ay ang kulubot sa iyong mukha.
Ina, bakit ka lumuluha?
Dahil ba sa nakalimutan mo na ang iyong sarili?
Isa kang ina na dapat maging matatag, anak na dapat maging mapagmahal,
asawang dapat maging masunurin, babaeng dapat na walang karapatan
Isinilid mo sa sako ang sarili mong mga pangarap,
iginapos ang pagkakakilanlan at saka ibinaon sa lupa
Sapagkat ang tanging hinihiling sa iyo'y walis at palu-palo,
hindi diploma at pangalan.
Hayaan mong pahirin ko ang iyong mga luha, tipunin ang mga ito
at isaboy sa madla
Di ba nila batid na ang patak ng iyong hinagpis ay
higit na dakila kaysa benditang ipinaliligo ng mga banal?
15 march '05
tuesday
8.33 pm
No comments:
Post a Comment