Linggo, tiyak na maraming magsisimba niyan kaya't maaga pa lamang ay naroon na siya sa labas ng simbahan, sa tabi ng matandang ale na nagtitinda ng kandila. Nakatayo siya sa tulong ng isang tungkod na tila sanga ng punong bayabas o kaymito, naka-shades, at ang damit – isang makutim at marusing na sandong halos di na makilala ang tunay na kulay dahil sa nananahang alikabok at putik na natuyo. Halos matino pa ang basahan sa amin at kulang na lang ay habulin siya ng karayom at sinulid. Gusto ko sana siyang tanungin kung bakit naisipan pa niyang magdamit gayong hindi na nito kayang ikubli ang mga kuwerdas niya sa katawan dahil halos mga sinulid na lang na pinagbuhol-buhol ang suot niya kung tutuusin. Ang shorts niya, pantalong maong na pinutol hanggang tuhod. Siguro ay siya ang pumutol dahil mas maigsi pa ang kaliwang binti ng shorts kaysa kanan. Hindi rin ito nagpapahuli sa kasagwaan sa kanyang sando. At ang puwitan, may tapal na pulang tela dahil marahil sa pagkasabit sa pako o dili kaya'y nagasgas na hanggang sa mabutas ang shorts na iyon dahil sa kalumaan. Hmm… sino kaya ang tumahi?
Sa humpak na humpak na mukha (na animo'y bungo) at kapayatan, idagdag pa ang madilaw na medyo malibag niyang kulay ay talaga namang maaantig ka't mapipilitan kang maghulog sa lata ng tunang dala niya ng kahit na singkong duling. Pero ako, parang gusto ko siyang limusan ng sabon o kaya'y pabango.
Pormal na pormal ang mukha niya at parang laging nakikiramdam. Siguro, nakikiramdam at nagpapakalisto dahil baka biglang may dumampot ng lata niya at bigla na lamang itong itakbo, tulad ng nangyari sa pilay na biglang nakatakbo na ala- Lydia de Vega nang habulin niya yung nanguha ng lata niyang may lamang mga limos. O baka naman pinakikiramdaman niya ang bawat kalansing ng barya sa limusan niya at tinataya kung nakakamagkano na siya.
Iba-iba ang reaksiyon ng mga nakakapuna sa kanya. Pero ang karamihan, dedma. May babaeng naparaan. Sa porma ay di maitatangging sosyal dahil sa moderno niyang pananamit at pa-Ingles-Ingles pa. O siguro nagpapaka-sosyal lang dahil parang yung suot niya ay kahawig nung nakita ko sa kabilang bangketa na binebenta nang P 120. Pagkakita niya sa pulubi ay ito lang ang nasabi niya: "Yuck! Kadiri! Very stinky! Hoy, mag-work ka. Huwag yung nanlilimos ka riyan. Kay laki ng katawan mo e. Pabigat kayo sa lipunan!" sabay hulog ng dalawang tig-pi-piso sa lata ng pobre. Nagpasalamat ang pulubi kahit na masama ang loob sa sermong inabot.
Maya-maya ay may nagdaang tatlong tin-edyer na puro lalaki.
"Pare, totoo kayang bulag yan?" tanong ng isa.
"Pare, kunin natin ang pera para malaman natin, " hamon naman ng ikalawa. Kahit na mahina ang pagkakasabi ng binatilyo ay umabot pa rin ito sa pandinig ng bulag kaya't umamba ito ng padampot sa kanyang limusan at saka pinagpawisan nang malapot.
"Maawa naman kayo sa pulubi!" pagtatanggol ng ikatlo.
Nakunsensiya yata ang dalawa at umalis na lamang. Medyo lumabnaw ang pawis ng bulag tt nakahinga-hinga nang maluwag.
Walang anu-ano'y biglang nagkagulo. Narinig ang silbato ng pulis kasabay ng mga sigawan at panakbuhan. Nangagtaob ang mga bangketa ng damit, pekeng alahas, at mga yosi't kendi. Nagkalat sa sidewalk at napagyayapakan ang mga tarot cards ng mga manghuhula, mga ugat at halamang gamot na galing pa raw sa Mt. Banahaw at mga medalyon at gayumang nanggaling naman raw sa Egypt. May hampasan ng batuta at iyakan. Nakita na lamang ang isa sa mga sidewalk vendors na nakaposas at bitbit sa kamiseta ng isa sa mga parak. Nakitakbo na rin patakas ang pulubi, dala ang lata. Naroong mabangga siya, matisod at halos madapa, may mahampas ng tungkod. Mahirap na, baka mahuli pa siya ng parak. Siguro hindi na naman nakatikim ng lagay.
Naglakad ang bida hanggang sa makarinig ng busina ng sasakyan. Halos malulon niya ang dila niya sa gulat at lumabas ang utak niya sa tenga sa lakas ng busina na sinundan pa ng: "Hoy! P… ina ka. Kung magpapakamatay ka, huwag mo akong idamay. Titingnan mo'ng nilalakaran mo!" , sabay sagitsit ng gulong hanggang sa humarurot ang kotse ng mama. Paanong makakakita ay bulag nga! May naawa, lalaking halos ka-edad niya, mga 35 anyos. Inihatid siya sa pagtawid sa daan. Siguro dating boy scout.
Lakad na naman siya sa pangunguna ng tungkod habang hawak ang limusang may lamang barya.
"Ay, bastos!" sigaw ng aleng mataba, sabay hampas ng payong na dala sa pobreng bulag at sinabayan ng layas dala marahil ng kahihiyang inabot nang masundot ng baston ng bulag ang kanyang palda at nalilis hanggang makita ang bloomer. Dahil sa palong tinamo ay nabitiwan niya ang limusan at sumabog ang barya, naggulungan sa iba't ibang direksyon. Ang kalansingan ng sumabog na barya ang nagsilbing hudyat upang magtuwaran ang mga nagdaraan at magkanya-kanya ng dampot ng pera. May ibang sadyang napakabuti at isinauli ang barya sa pulubi matapos makapamulot. Mayroon namang pasimple, tatapakan ang barya, kunwa'y magtatali ng sapatos at, swak! Instant P2 sa bulsa! Sayang, pang-yosi din.
Lakad na naman ang bulag. Halos nangalahati ang barya niya dahil sa pagkatapon. Pero ligtas na ngayon ang natitira sa bulsa niya. Huminto siya sa tapat ng bilihan ng dyaryo, bumili ng isa. Siguro ay may nagpapabili. Umupo sa isang sulok na walang makakakita, ibinaba ang tungkod pero naka-shades pa rin. Binuksan sa pahina kung saan matatagpuan ang column ni Xerex Xaviera.
27 March 1997
No comments:
Post a Comment