Unti-unting hinihila ng araw ang natitirang kakarampot na liwanag patungong kanluran, nag-iiwan ng mapupulang bakas sa mapusyaw at mausok na atmospera ng Maynila. Animo'y batik ng panandaliang pamamaalam ng haring tanglaw upang magbigay-daan sa pagdating ng karimlan, magpaubaya sa pagbuhos ng gabi ng kanyang kaanyuan. At sa pag-angkin ng dilim sa kanyang bahagi ng maghapon, ang mga ibong kanina'y nakikipaglaro sa saliw ng ihip ng masangsang na hangin, ngayo'y nakaupo sa kanilang mga pugad, sa piling ng mga inakay na sa loob lamang ng ilan pang sikulo ng buhay ay siya namang magpapalaot sa amihan. At ang mga tao ng maghapon, hangad ay ginhawang hatid ng kani-kanila ring mga pugad. Nasa'y maangkin ang himbing na handog ng katre't papag, pasailalim sa hipnotismo ng antok, pasakop sa kahiwagaan ng panaginip. Subalit hindi ako.
Ang kapahingahan, kailanma'y di ko naging kaibigan. Kapayapaan ng isip ay malayo sa hinagap, kapanatagan ng kaluluwa'y di maabot na pangarap. At ang hangaring pagkalma ng balisang katawan, tila mananatiling isang mapait na hangaring magsisilbing sunong sa walang katapusang paglalakbay.
Manhid man ang mga binti ay patuloy akong lalakad. Pagod man ang mga paa ay walang tigil pa rin sa paglalakbay. Tuhod ay sugatan, talampaka'y pupog ng kalyo't paltos subalit bawat pagkatalisod ay sayaw sa ritmo ng sanlibutan at bawat patak ng dugong bumubukal sa aking galos ay siyang didilig sa lupang aking lalakaran.
Ako ang batong kailanma'y di kakapitan ng lumot, butong walang pagnasang tubuan ng ugat. Paglakad ko'y walang kinikilalang oras at panahon, hindi namulat sa dikta ng pagkakataon. Pagka't ang paghakbang ko ang siyang pagkakataon, karugtong ng bawat kong hininga, katugon ng bawat kong galaw. Ito ay hindi pamamasyal sa parke, ni malayang paglilibot sa dalampasigan upang makadama ng banayad na hampas ng alon sa kalingkingan. Bagkus, ito ay pagsumpong sa tugon sa mga katanungang bumubugbog sa aking kunsensya at ngumangatngat sa aking dangal. Ito ay paglaya sa kasikipan ng daigdig na aking ginagalawan.
Sapagka't ako'y hindi isang mangingibig kundi manunupil, hindi isang paslit kundi isang ermitanyo na nag-aanyong paslit. Kailanma'y di ako naging banayad, tuwina'y pangahas na mananakop sa loob ng baluti ng kahinahunan, isang dakilang panginoon na walang pagkakakilanlan, salat sa anyo, hungkag sa mapanalaming katangian, dayuhan sa sarili kong mga mata.
Laganap na ang kadiliman at ang lahat ng buhay ay nahihimlay. Kaalinsabay ng pagtagaktak ng pawis sa aking noo at pagpintig ng aking pagal na binti ay lumukob ang isang mabigat na agam-agam sa gitna ngaking paglalakbay – Paano kung ang walang pahinga kong pagtahak at paghahanap sa kasagutan ay isa palang paglayo sa kasagutan ring yaon? Na ang paglakad upang makatuklas at makalayo pala ay kaduwagan at pagtakbo sa katotohanang nag-aalok ng pinakamimithi kong kahulugan?
27 July 2003
No comments:
Post a Comment